top of page
Search

‘Wag pahirapan ang mga biktima ng bagyo sa pagproseso ng insurance ng kanilang sasakyan at...

BULGAR

Iba pang ari-arian

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 16, 2020



Bilyong piso ang iniwang pinsala ng super typhoon Rolly na nanalasa sa maraming lugar sa ating bansa at hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi pa nakababalik sa normal nilang buhay na sinundan pa ng isa pang matinding bagyo — ang “Ulysses”.


Isa sa pinakamatinding sinalanta ng Bagyong Rolly ay ang Bicol Region na hanggang sa kasalukuyan ay may mga kababayan tayong nananatili pa rin sa mga evacuation area at habang naghihintay ng ayuda ay muli na namang binakbakan ng Bagyong Ulysses.


Pinakagrabeng nasalanta ang bayan ng Guinobatan, Albay dahil napakaraming bahay ang natabunan ng buhangin na dinala ng napakalakas na ragasa ng tubig mula sa kabundukan at naisama sa agos ang tone-toneladang buhangin mula sa quarry.


Sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang lugar ay labis nitong ikinagalit ang kanyang nakita matapos tiyakin ng Department of Environment and National Resources (DENR) na mula sa quarry ang santambak na buhangin.


Natuwa ang mga residente matapos ipag-utos mismo ng Pangulo na ihinto na ang operasyon ng naturang quarry na tumabon sa maraming kabahayan at sasakyan.


Ngunit heto na naman ang Bagyong Ulysses na halos buong bansa ang dinaanan na bukod sa muling grabeng nasalanta ang Bicol Region ay grabe ring binayo at binuhusan ng maraming ulan ang Metro Manila, na parang naulit ang “Ondoy” sa pagbaha sa Marikina, Pasig, San Mateo, Rodriguez at napakarami pang ibang lugar.


Muling naulit ang mas malakas na bagyo halos ilang araw lamang ang nagdaan at mas maraming kabahayan, sasakyan at iba pang ari-arian ang nasira na bukod sa natabunan ng lupa ay tinamaan ng nagliliparang bakal, nabagsakan ng puno o poste, nalubog at inanod ng baha.


Dahil dito ay dumagsa sa tanggapan ng mga insurance company ang mga nagmamay-ari ng sasakyan, bahay na nawasak at ibang pag pag-aari na naka-insured, ngunit nawasak bunga ng kalamidad.


Hindi naman pinag-uusapan kung cash o installment nabili ang pag-aari basta’t naka-insured maging bahay man o sasakyan ay sasagutin ito ng insurance company sa mabilis na paraan.


Lalo pa at nakasaad mismo sa polisiya ng insurance na isa sa kanilang sakop ang pagkakasira bunga ng kalamidad, sunog at iba pang aksidente na hindi plinano o sinadya at mga kahalintulad nito.


Sa puntong ito ay tila nagkaroon ng kaunting antala sa serbisyo ng mga insurance company, partikular sa pagdagsa ng mga may-ari ng nasirang sasakyan sa mga lugar na sinalanta ng bagyo na katanggap-tanggap naman dahil sa napakaraming napinsala.


Hindi ito sinasadya ng mga ahente ng insurance company dahil lubhang nagkasabay-sabay lang ngunit malaking pagdurusa ito sa mga kababayan nating biktima na ng kalamidad at ngayon ay nahihirapan pa sa pagproseso ng insurance ng kanilang sasakyan at iba pang ari-arian.


Kaya napagtuunan nating ng pansin ang pangyayaring ito dahil nais nating maibsan ang pinagdaraanan ng ating mga kababayan na karagdagang hirap sa kanila ang mawalan ng sasakyan at masiraan ng ari-arian partikular ang mga negosyante.


Hindi biro ang pinsalang idinulot ng sunud-sunod na bagyo dahil kung sasakyan ang nasira sa panahong ito na nasa gitna pa tayo ng pandemya ay maraming lugar ang hindi pa naibabalik sa normal ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyan kaya malaki itong perwisyo.


Ganundin kung ari-arian ang nawasak kaya malaking tulong kung mapapabilis at mapapagaan ang proseso ng mga insurance company sa kanilang kliyente na biktima ng kalamidad.


Kung gaano n’yo kabilis nakumbinsi ang inyong mga kustomer na sa ganitong kumpanya dapat kumuha ng insurance dahil maayos at maganda ay ganito rin dapat kabilis kung kailangan na ang inyong serbisyo.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page