ni Jersy Sanchez - @Life & Style| September 1, 2020
Sa dami ng nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya, hindi naman natitigil ang mga gastusin. Ang masaklap, nagpapatung-patong pa. Hays!
Kaya naman, maraming mga magulang ang hirap mag-adjust gayung may mga tsikiting silang inaalagaan. Tipong bawas na ang budget, kailangan pa ring ipagluto o bilhin ang gusto nilang pagkain at kahit hirap tayong mag-adjust, hindi natin maipaliwanag sa kanila kung bakit dapat tayong magtipid.
Kaya para sa mga mommies d’yan, narito ang ilang tips para maunawaan ng ating mga anak na kailangan nilang magtipid ngayong may pandemya.
1. ACCEPTANCE. Una, kailangang tanggap ng mga magulang ang totoong sitwasyon. Kung kailangang magtipid at mag-adjust, dapat tanggapin ito dahil kung ikaw mismo ang hindi makakatanggap sa sitwasyon, magiging negatibo ang epekto nito sa bata.
2. MAGING TAPAT. Kung tapos ka na sa first step o acceptance, mahalaga na maging tapat ka kina bagets. Huwag nating itago ang sitwasyon para mas madaling maipaunawa sa kanila kung bakit natin kailangang magtipid. Isa-isang pag-usapan kung paano maaaring magtulungan ang buong pamilya. Halimbawa, hindi puwedeng mamili ng ulam ang mga bata, habang ang mga magulang naman ay bawal gumastos nang sobra sa budget ‘pag namimili sa grocery.
3. TURUANG ‘WAG MAGING MAPILI SA PAGKAIN. Nasanay silang fried chicken o mga karne ang ulam noong wala pang pandemya, pero ngayong na-adjust ang budget, kailangan nilang matuto kumain ng gulay pero ayaw nila nito. Ano na ang gagawin mo? Well, hindi naman natin kailangang ipangalandakan na dapat kumain sila ng gulay dahil nagtitipid tayo at mas healthy ito, pero may ibang paraan para mapakain sila nito. Puwede mong pag-aralan na ihalo ang mga tinadtad na gulay sa iyong homemade chicken nuggets at iba pang ulam.
Kung may kaunti namang budget, oks din namang mag-karne, pero mas maganda kung ngayon pa lang ay sasanayin n’yo na silang kumain ng gulay.
Maganda ring magsanay sa paggawa ng homemade meals. Sa halip na um-order sa labas, mas oks kung ikaw mismo ang maghahanda at magluluto ng kakainin ninyo.
4. ‘WAG MANGAKO. Iwasan nating mangako, lalo na kung hindi natin ito balak tuparin. Halimbawa na lang kapag may gustong ipabili si bagets, madalas nating sinasabi na wala tayong pera, kaya magpa-pramis tayo na sa susunod na lang bibilhin. Pero ayon sa mga eksperto, mas magandang sabihin na, “Anak, wala tayong budget,” dahil mas madali nilang mauunawaan na ang perang mayroon sila ay dapat ilaan sa mas mahahalagang bagay.
‘Ika nga, kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. Kung tutuusin, lumang-luma na ang kasabihang ito, pero applicable ito sa panahon ngayon. Agree?
Mga mommies, ‘wag kayong matakot na ipaliwanag at ipaunawa sa mga bata ang totoong sitwasyon natin. Marami sa kanila ang mature enough para makaintindi at makatulong sa atin. Okie?
Comments