ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 03, 2021
Dahil 16 na buwan nang walang naitalang kaso ng polio sa bansa, idineklara ng United Nation Children’s Fund (UNICEF) at ng World Health Organization na ang Pilipinas ay isa nang polio-free country matapos magtagumpay ang immunization campaign laban sa naturang karamdaman.
Ito ang pangalawang pagkakataon na idineklara ng WHO na nakaalpas na sa polio ang bansa. Una, noong 2000, matapos ang matagumpay na immunization campaign nang noo’y health secretary at dating senador Juan Flavier. Ito ay tinawag nilang Oplan Alis Disease, kung saan tinatayang 24 milyong Pilipino ang nabakunahan kontra polio sa loob lamang ng dalawang araw.
Nitong Hunyo 2021, nang ideklara tayong polio-free, tinatayang 30 milyong doses ng polio vaccine ang naipamahagi sa iba’t ibang lugar sa bansa. Naisakatuparan ang vaccination program sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor at civic organizations sa gobyerno.
Masasabi mang tagumpay ang anti-polio vaccination campaign, may mga hindi pa rin maiiwasang pangyayari na pilit na sumisira sa kampanyang ito. Maging sa COVID-19 vaccines, talamak din ang fake news para mahikayat ang iba na huwag magpabakuna. Nitong Mayo 2021, base sa survey ng SWS, tatlo lamang sa bawat 10 Pinoy ang gustong magpabakuna. Dala ito ng takot dahil sa mga kumakalat na tsismis na sumisira sa dignidad na mga bakuna. Ang masaklap, magpapabakuna lang sila, kung ‘yung gusto nilang brand ang ituturok sa kanila. Namimili ang ating mga kababayan dahil sa kung anu-anong fake news na lumalabas laban sa iba’t ibang uri ng bakuna.
Noong i-sponsor natin ang RA 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 sa Senado, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng bakuna bilang kaakibat ng kagustuhan nating makarekober mula sa iba’t ibang pahirap na dulot ng pandemya. At ang resulta, 20 kasamahan nating senador ang nagsilbing co-author natin sa batas.
Uulitin lamang natin. Kung gusto talaga nating maipanalo ang pandemya, magtiwala tayo sa ‘Science’. Anumang karamdaman ay sakop nito kaya’t maniwala tayo sa mga eksperto at hindi sa mga ‘human CCTV’ na kung anu-anong paninira sa bakuna at health protocols ang ginagawa.
Hinihikayat natin ang lahat, magpabakuna tayo, observe health and safety protocols at palagi tayong maging malinis sa katawan, kapaligiran at sanayin ang sarili na magsuot ng facemask tuwing lalabas ng bahay.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments