top of page
Search
BULGAR

‘Wag magpabiktima, isumbong online shopping scam

by Info @Editorial | Dec. 22, 2024



Editorial

Grabe ang dagsa ng tao sa mga mall at iba pang pamilihan.

Kaya may iba na mas pinipiling mag-shopping na lang online para bawas-stress lalo na sa trapik.


Gayunman, sa kabila ng pinadaling pamimili gamit ang teknolohiya tila anino naman nito ang mga scam na pumapalibot sa industriya ng e-commerce. 


Patuloy na problema ang online scam na kinakailangan ng masusing atensyon at agarang hakbang mula sa mga otoridad, negosyo at mga mamimili.


Sa bawat taon, dumarami ang mga ulat sa online shopping scam. 


Isang halimbawa ay ang mga pekeng website na nag-aalok ng mga produkto sa murang halaga ngunit walang intensyon na magpadala ng mga item. Karaniwan, makikita ang mga site na may mga hindi kapani-paniwalang diskwento, ngunit kapag binayaran na ng biktima, hindi na sila makakontak at hindi rin natatanggap ang kanilang mga in-order na produkto. 


Sa kabila ng pagtaas ng online shopping scam, tila mabagal ang pag-usad ng mga hakbang upang labanan ito. Bagama’t may mga e-commerce platform na may mga sistema para maprotektahan ang mga gumagamit, tulad ng mga payment protection at refund policies, hindi pa rin ito sapat. 


Ang kakulangan sa tamang regulasyon at oversight sa online marketplace ay nagiging dahilan ng patuloy na pamamayani ng mga scam. 


Kung hindi madadagdagan ang mga hakbang para sa mas mahigpit na regulasyon ng online shopping, lalo pang dadami ang mga biktima ng mga scam.Hindi lamang ang mga negosyo at gobyerno ang may responsibilidad sa pagtugon sa isyung ito, kundi pati na rin ang bawat isa sa atin bilang mga mamimili. Dapat maging mapanuri tayo sa bawat website na binibisita natin at tiyaking lehitimo ang mga nag-aalok ng mga produkto. 


Mahalaga rin na laging mag-ingat sa mga labis na murang alok at magbasa ng mga reviews o feedback mula sa ibang tao bago magdesisyon.


Ang pagiging maingat at ang pag-iwas sa mga pekeng online store ay isa sa mga pinakamahalagang hakbang na maaaring gawin ng isang mamimili upang maiwasan ang scam.Kapag nabiktima lalo na ngayong holiday season, puwedeng magsumbong sa pamamagitan ng eReport feature ng eGov Super App. Ang pinakabagong feature ay ang e-commerce reporting para sa consumer protection ng Department of Trade and Industry (DTI). 


Natatanggap umano ng DTI Consumer Protection Office ang real-time reports at agad itong inaaksyunan.


Kailangang mapanagot ang mga nasa likod ng scam para hindi na pamarisan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page