top of page
Search
BULGAR

‘Wag mag-petiks sa pagtiyak ng seguridad ng mga OFWs sa Ukraine

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 16, 2022



Nagtataka tayo sa ating mga opisyal ng gobyerno, tila pepetiks-petiks at hindi kumikilos para sa mga OFWs at Pinoy migrants sa gitna ng diumanong banta ng Russian invasion sa Ukraine.


Nakaabang na ang ating mga kababayan doon kung ano ang kanilang dapat na gawin.


Aba, eh, sabi ng ating mga kababayan, ni wala pa raw ipinararating sa kanilang contingency plan sakaling magkagulo.


Tanging ang ginagawa lang daw ngayon, kinukuha pa lang ang mga pangalan ng mga gustong umuwi sakali mang matuloy ang giyera sa Ukraine.


Eh, ang tanong, paano kung bigla ngang sumiklab ang giyera, paano sila? Saka lang bibigyan ng instruction ng DFA, OWWA at mga tao natin sa pinakamalapit na Philippine embassy? Ano bah!


Take note, wala tayong embassy sa Ukraine, kundi nasa Poland pa! Bakit nga ba wala pang klarong plano? Nangangapa na ang ating mga kapwa Pilipino doon! Eh, last year pang balita ang napipintong gulo. Hello!


Halos nasa 400 Pilipino sa Ukraine. Napaisip tuloy tayo na ‘yan ba ang dahilan kaya hindi pa ganon ka-komprehensibo ang pagkakasa ng mga plano at pagkilos ngayon ng ating mga opisyal?


Juicekolord!


Hindi porke kakarampot lang ang mga kababayan natin doon, tila lelembot-lembot kayo at walang kagyat na pagkilos para asikasuhin ang kalagayan nila! Ano’ng ibig sabihin niyan, kikilos kayo kapag andyan na ang aktwal na bakbakan?


‘Wag i-underestimate ang sitwasyon. IMEEsolusyon na maghanda na ng todo para wala tayong sablay! Latagan na ng contingency plan.


Kabilang dito ang pagkakasa ng maayos na komunikasyon sa OFWs, lugar kung saan sila tatakbo para pik-apin at ililikas, badyet sa kanilang masasakyan sa paglikas.


Gayundin, ikasa na ang safety health protocols oras na makauwi na sa ‘Pinas at transportasyon na rin pauwi sa kani-kanilang mga bahay.


Bago pa man sumiklab ang giyera sa Ukraine, agapan na rin natin ang impact nito o epekto sa ating ekonomiya, dahil siguradong sisirit ang presyo ng langis sa world market.


IMEEsolusyon na manmanan ng ating pamahalaan ang presyo ng langis at ikonsidera na taasan ang ating reserba, sa harap ng tinatayang pagsirit sa $120 dolyar kada bariles mula sa $90 hanggang $95 dolyar ngayon. Dapat din na matukoy na agad ang mga alternatibo nating pagkukunan.


Mas maigi nang maging maagap sa paghahanda, kaysa naman magkumahog at mataranta kapag nasa peligro na ang buhay ng ating mga kababayan at mahuli sa paghahanda sa dagok nito sa ating ekonomiya. Kaya plis DFA, OWWA, mga opisyal ng ating pamahalaan, kilos na agad, Now na!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page