ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 18, 2022
May naamoy tayong kakaiba sa Sugar Regulatory Administration. Takang-taka tayo kung bakit todo-push ito sa importasyon ng 200,000 metric tons ((MT) ng asukal sa katuwirang may shortage raw dahil napinsala ang industriya dahil sa Bagyong Odette?
Talaga ba?
Ganun?! Eh, bakit reklamo ng mga sugar farmers na nakarating sa ating tanggapan, walang shortage sa supply, isang gilingan lang ng asukal ang binaha ng bagyo at naayos na ito habang ang iba pang sugar mills sa buong bansa, eh, gumagana naman?
Eh, mismong United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa Negros, kung saan nakabase ang 13 sa 27 sugar mills sa bansa, eh, nagsabi rin na isang linggo lang ito nagsara dahil sa baha ang Southern Negros Development Corporation Mill sa Kabankalan, Negros Occidental!
Mukhang pinalulusot ng SRA ang pag-angkat ng libu-libong tonelada ng imported na asukal ng mga pangunahing manufacturers ng softdrinks at iba pang 'sugared products', tulad ng kendi at biskwit. Hay nako, I smell something fishy!
Hmmm... Meron nga bang pinapaboran ang SRA? Eh, talaga bang may naipangako itong sugar manufacturers sa SRA? Hello, hindi normal na pursigido ang isang ahensiya na mag-import gayung wala naman daw shortage!
Mabuti na lang naging IMEEsolusyon dito ang pagharang ng korte at naglabas ito ng Temporary Restraining Order sa nasabing importasyon! Palakpakan! Reminder naman sa SRA para hindi mapagdudahan, ilantad sa publiko ang listahan ng mga pinayagang mag-angkat ng asukal para makita kung may mga ‘sweetheart deal', 'di bah!
Pero, hindi pa tapos ang problema ng ating sugar farmers, nasa peligro pa rin na hindi sila makapagtanim sa susunod na crop season, dahil napakataas ng presyo ng fertilizer, gayundin ang presyo ng gasolina, kaya naman marami na sa kanila ang nagsanla na ng lupain, o ang iba, eh, nagtatanim na lang ng kamote!
Sa harap niyan, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, IMEEsolusyon na magpatupad agad ang ating pamahalaan ng 'price freeze' sa fertilizer, pero dapat siguruhing 'for emergency use' lang ito at dapat gawin itong gobyerno-sa-gobyerno, 'di ba!
Bukod d'yan, dapat din ibaba ang dami ng mga inaangkat na asukal o mag-iskedyul ng pautay-utay na pagde-deliver na hindi kasabay ng milling season, habang pinag-aaralan pa ang paggawa ng mga lokal na abono para sa pangmatagalang programa para rito.
Pakatandaan natin, ang maliliit na sugar farmers ang bumubuo sa 85% ng ating sugar industry, at kapag binalewala lang ang kanilang kalagayan, kakapusin tayo sa suplay at tiyak tataas, lalo n ang presyo ng asukal sa merkado. Hindi malayong maghingalo ang industriya ng asukal sa ating bansa. Katakot 'yan, ha?
Comments