ni Mylene Alfonso | April 11, 2023
Wala umanong dapat ikapangamba ang China kaugnay sa mga karagdagang site sa ilalim ng Pilipinas at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Estados Unidos.
Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa China lalo na kung wala naman aniyang nangyaring pag-atake.
“Kaya’t kung wala naman sumusugod sa atin, hindi na sila kailangan mag-alala dahil hindi naman sila natin lalabanan. Ang ginagawa lamang natin ay ipagpatuloy natin na pinapatibay natin ang depensa ng ating teritoryo, ang pagdepensa ng Republika,” sabi ni
Marcos sa sidelines ng Araw ng Kagitingan na ginanap sa Mount Samat National Shrine.
Kabilang sa apat na bagong EDCA sites ay ang Naval Base Camilo Osias at Lal-lo Airport na nasa Cagayan, Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela, at Balabac Island sa Palawan.
Hindi rin aniya papayagan ng Pilipinas na gamitin ng mga tropang Amerikano ang mga base bilang bahagi ng EDCA para sa paglulunsad ng mga opensibang pag-atake.
“Ngayon, ang reaction ng China ay hindi naman siguro kataka-taka dahil nag-aalala sila.
Pero hindi naman tayo, hindi naman gagamitin, hindi tayo papayag, ang Pilipinas, hindi tayo papayag na gamitin ang mga bases natin para sa kahit anong offensive na action.
Ito ay para lamang tulungan ang Pilipinas, kapag nangangailangan ng tulong ang Pilipinas,” diin ni Marcos.
Comments