top of page
Search
BULGAR

‘Wag ma-guilty, besh... Alamin: Benepisyo ng walang ginagawa

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 25, 2020




Gaano kayo kadalas na walang ginagawa? ‘Yung tipong, nakaupo lang sa sofa o nakahilata lang sa higaan at nakatingin sa kawalan, nagmuni-muni, basta walang ‘physical activity’?


Panigurado, para sa iba ay ‘katamaran’ ang termino sa ganitong senaryo.

Ngayong quarantine period, marami sa atin ang kahit nasa bahay lamang ay may kani-kanyang ganap o abala pa rin sa buhay. Merong nagwo-work-from-home, nag-o-online class, nag-aaral ng mga bagong skills at iba pa. Pero para sa iba na wala sa nabanggit, ‘wag kang mag-alala at ma-guilty, ‘ika nga nila, “Ano’ng magagawa mo, eh, wala kang magawa?”


Well, alam n’yo ba na ang ‘pause’ sa gawain o pansamantalang pagtigil sa paggawa ng mga bagay-bagay o ‘doing nothing’ ay merong magandang benepisyo sa atin?

  1. MAKAPAG-IISIP NANG MAAYOS. Ayon sa pag-aaral mula sa University of Virginia, ang pagmumuni-muni o hindi paggawa ng anumang physical activity ay magandang paraan upang maipahinga, hindi lamang ang katawan kundi maging ang isipan. Mare-relax ang utak, at mas makapag-iisip tayo nang maayos dahil wala masyadong pressure o dapat patunayan.

  2. MAS NAGIGING COMPASSIONATE. Tinalakay sa pag-aaral ng HSE Laboratory of Positive Psychology, na kapag ang tao ay madalas walang ginagawa, hindi man ito physically productive ay sobrang produktibo naman ng kanilang isipan. Isa rin sa mga naidudulot nito ay ang pagiging compassionate sa kapwa. Ito ay dahil mas lumalawak ang kanilang pang-unawa o pag-intindi sa mga bagay-bagay.

  3. TOTOONG NAKAKAPAGPAHINGA. Sa resulta ng survey ng British Journal of Psychology, mula sa 18,000 participants, humigit-kumulang 15,000 sa mga ito ang aminadong ang “spending time on my own” o ‘doing nothing’ ang kanilang pangunahing paraan upang tunay na makapagpahinga o makapag-recharge sa tila hindi matapus-tapos na struggle sa buhay.

  4. MAS NAGIGING CREATIVE. Ayon sa research mula University of Buffalo, lumalabas na ang indibidwal na gumugugol ng oras nang mag-iisa at walang ginagawa ay mas mahusay na nai-express ang kanilang sarili sa creative na paraan.

  5. OKS SA PAG-SOLVE NG PROBLEMA. Kapag walang ginagawa ang tao, mas nakapag-iisip ito at mas madaling makapagso-solve ng problema. Hindi siya distracted, kumpara sa iba na hindi malaman ang uunahin o gagawin dahil sa dami ng mga ginagawa o pinagkakaabalahan.

  6. NAKAPAGRE-REBOOT ANG UTAK. Kasabay ng bawat pagkilos ang paggana ng utak, kapag may ginagawa tayong anumang bagay ay palagi itong kasama, kaya naman ang pansamantalang ‘pause sa mga gawain’ ay malaking bagay upang makapag-refresh ang isipan.

May pinagkakaabalahan man tayo o wala, tandaan na hindi ito basehan ng ating pagkatao. Okay lang kung maraming ginagawa o busy-busy-han sa life, pero wala ring problema kung mas gusto mo magmuni-muni. Lahat tayo ay may kani-kanyang paraan upang ‘wag maging harsh sa ating sarili, kaya ‘wag ma-guilty kung iba ang paraan mo sa iba. Okay?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page