ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 13, 2020
Base sa personal na obserbasyon sa ating pag-iikot sa lungsod ng Valenzuela noong nagbukas ang klase, koneksiyon sa internet ang isang malaking problema ng mga mag-aaral.
Isipin na lang natin na kapag sabay-sabay na gumamit ng internet ang 25 milyong naka-enroll sa kinder hanggang senior high school at 3.4 milyon na nasa tertiary level lalo na kung peak hours, hindi talaga malayo na magkaroon ng network congestion at mas babagal pa ang kanilang koneksiyon sa internet.
Atin pang napag-alamang ang mga telecommunications companies sa mga probinsiya ay may bilis na 2 megabits per second (Mbps) hanggang 20 Mbps na internet service. Sadyang napakabagal nito dahil ang minimum speed para sa video streaming ay nasa 3 Mbps.
Hindi ito sapat para kayanin ang video streaming ng mga guro, kaya nakababahala ito lalo pa’t dito nakadepende ngayon ang milyun-milyong kabataang Pilipino para sa kanilang pag-aaral.
Sa ganitong sitwasyon, dapat magpatayo pa ng mas maraming cell sites ang telecommunications companies para sa mas maayos na internet service.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, alang-alang sa larangan ng edukasyon ay nakikiusap ang inyong lingkod sa telcos na solusyunan na ito upang hindi masayang ang oras ng pagkatuto ng kabataan.
Hinihikayat din natin ang mga telcos na mamuhunan sa mga probinsiya at palakasin ang internet connection para sa distance learning ng mga estudyante.
Hindi agaran ang solusyon sa problema lalo na at may malaking kakulangan sa aspeto ng imprastruktura at mabibilang lamang ang mga lalawigan na may mga cell towers. Sa kasalukuyan, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kulang pa ng 50,000 na cell towers ang bansa para masiguro ang mas maayos na internet connection. Sa ngayon, mayroong 17,000 lamang na cell towers sa bansa.
Walang hindi makikinabang kung bibilis na ang internet connectivity sa bansa. Mula sa batang nag-aaral, hanggang sa pinaka-pangunahing pangangailangan natin — kabilang na ang food deliveries, bills payment at marami pang iba — ay maaari na nating magawa sa online. Dahil dito, umaasa tayong matutugunan ito nang maayos ng telcos.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments