ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 16, 2021
Kung ihahambing sa naitalang enrollment ng learners with disabilities sa basic education bago tumama ang pandemya ng COVID-19, nananatiling mababa ito ngayong taon. Dapat nating itaguyod ang kapakanan ng mga batang mag-aaral na may kapansanan sa gitna ng patuloy na pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng pandemya.
Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd), 112,810 lamang ang nag-enroll nitong 2021 sa tinatayang 444,294 na kabuuang bilang ng children with disabilities o CWDs. Bagama’t bahagyang mas mataas ito sa 111,521 na naitala noong 2020 sa tinatayang kabuuang populasyon ng CWDs na 437,598, malayo pa rin ito sa 360,879 na naitala noong 2019 na may populasyong 431,004.
Matapos maresolba ng bicameral conference committee ang mga pagkakaiba ng iniakda ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1907 at ng House Bill No. 8080, naniniwala tayong matutugunan na ang mga hamong kinahaharap ng mga learners with disabilities kabilang na ang kakulangan sa mga basic facilities, imprastruktura at transportasyon.
Sa ilalim ng panukalang batas na pinamagatang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act,” wala nang mag-aaral ang maaaring pagkaitan ng pagkakataong makapasok at makapag-aral sa mga pribado o pampublikong paaralan. Ito ay upang matiyak na bawat mag-aaral na may kapansanan ay makatatanggap ng de-kalidad na edukasyon.
Sa ilalim din ng naturang panukala, makikipag-ugnayan ang DepEd sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad.
Ang mga ILRCs ay maghahatid ng libreng support services sa mga learners with disabilities, kabilang ang linguistic solutions para sa mga deaf learners, psychological services, physical and occupational therapy at iba pa. Ang mga ILRC din ang magpapatupad ng iba’t ibang programa para sa inclusive education.
Ipapatupad din ng mga ILRCs ang Child Find System upang mahanap, matukoy at masuri ang mga learners with disabilities na hindi nakatatanggap ng basic education.
Kasabay ng ating pagbangon mula sa COVID-19 ang pagtaguyod natin sa kapakanan ng kabataan at mag-aaral na may kapansanan. Sa pamamagitan ng isinusulong nating batas sa Inclusive Education, matitiyak nating hindi na mapag-iiwanan pagdating sa edukasyon ang mga mag-aaral na may kapansanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments