ni Nitz Miralles @Bida | Nov. 6, 2024
May mga hindi natuwa, lalo na ang Labubu collectors, sa FB post ni Kathleen Hermosa na kapatid ng aktres na si Kristine Hermosa, tungkol sa origin ng Labubu dolls.
May paalala itong “Be vigilant, guys!” at ini-repost ang comment ng Stuff Finds na: “You may find it cute but the truth is, as a true Christians, we must not patronize.”
Devil’s pet daw ang Labubu at wala naman yatang Labubu collection si Kathleen, pero parang ikinonek niya sa kanya. Nag-agree rin ito na devil’s pet ang Labubu.
Sey pa niya, “Ang tulis pa! Parang nag-plan mag-veneers pero ‘di itinuloy ni Doc Dentist kasi nag-bounce ang payment na cheque! Hay, dami na interpretation at times in my head!!”
Tanong ng mga netizens, ano raw ang koneksiyon ng Labubu sa plano niyang pagbisita sa dentist? May nagpayo pa kay Kathleen na mag-ingat sa kanyang opinyon dahil may mga batang nagko-collect din ng Labubu.
May nag-comment pa na hayaan na ni Kathleen Hermosa ang may mga Labubu, hangga’t hindi galing sa nakaw, ‘wag na niyang pakialaman.
Nilinaw din kay Kathleen na hindi devil kundi elf ang Labubu.
Best Wedding of the Year daw… POST NI ANNE NA "K & B" NA IKAKASAL, TRENDING
'Kaaliw ang hula ng mga fans kung sino ang tinutukoy ni Anne Curtis na ikakasal.
May post kasi ito sa Instagram (IG) Story niya ng wedding invitation na may nakasulat na “K & B” na initials ng pangalan ng mga ikakasal.
Ang caption ni Anne sa kanyang post ay “Someone’s getting married!!! How exciting! Looking forward to it! #BiggestWeddingOfTheYear.”
Sa hashtag nagkagulo ang mga netizens at kani-kanya na silang hula.
May humula na sina Bea Alonzo at Dominic Roque ang ikakasal, may humula na sina
Kris Aquino at boyfriend nito at may naniwalang sina Kim Chiu at Paulo Avelino.
May mga pangalan pang binanggit na malayo sa initial sa nasa wedding invitation.
Sa kaso nina Bea at Dominic, kay Bea lang tumama ang letter B na initial. Kina Kris at BF nito, kay Kris lang din tumama. At kina Kim at Paulo, kay Kim lang tumama.
Nakakatuwa lang na nagkakasiyahan ang mga fans kahit mali-mali ang hula nila.
And speaking of Anne, hindi Labubu dolls, kundi Mega Space Molly from Pop Mart ang kanyang kino-collect. May kilig at kasamang sigaw ang kanyang pag-a-unboxing.
Aniya, “The little Sanrio girl in me is literally screaming her heart out! It was instant love the moment I laid my eyes on the Mega Space Molly x Sanrio collection.”
Ang cute ng sinabi ni Anne na nagse-share sila ng anak niyang si Dahlia sa paglalaro sa lumalaki niyang collection.
“But we play extra careful with them!” sabi nito.
Kahit naka-face mask, nakilala pa rin…
YASMIEN, NAG-CASHIER SA MALL
Nakita si Yasmien Kurdi sa isang mall sa Taguig City, pero hindi siya nagsa-shopping, nagkahera siya sa binuksang kiosk ng isang Japanese pancake brand.
Maraming customers, may pila pa nga at mas dumami siguro ang pila nang makita siya sa cashier.
Kahit naka-face mask, nakilala pa rin si Yasmien ng mga tao, na dahil sa sunud-sunod na order, hindi nakaya ng staff, kaya tumulong na siya.
Sey ni Yasmien, “Maraming customers kaya kahera muna ako,” na sinundan ng, “Ganyan talaga ang negosyo, minsan cook, kahera, barista, delivery person etc. dito sa #kiosk ng #KohuManju located at the 4th level ng Market Market BGC Taguig. Sanay tayo d’yan, dati nga, noong may water station pa ako, tagabuhat pa ako ng tubig at driver ng truck ‘pag ‘di sumipot ang tao namin. Good morning! Open na kami today. Kape-kape muna na may kasamang #cheesypulluppancake.”
Dala ni Yasmien ang bunso niyang si Raya Layla at makikitang nasa gilid ng kiosk ang stroller nito. Natuwa ang mga kapwa-Kapuso stars kay Yasmien at pinuri rin siya ng mga netizens, masipag daw at hindi maarte pagdating sa trabaho.
May mga nagsabi na bibisita sila sa kiosk ng aktres.
MAPAPANOOD na simula sa November 9, Saturday, ang controversial na pelikulang Lost Sabungeros (LS) sa Gateway Mall bilang bahagi ng 12th QCinema International Film Festival (QCIFF).
Siguradong hindi lang mga sabungero ang manonood nito, pati na rin ang taumbayan na naghahanap din ng sagot kung ano na ang nangyari sa mga nawalang sabungero.
Dapat ay sa Cinemalaya ito ipinalabas noon, pero hindi natuloy for security reasons daw. Kaya sa 12th QCinema siya ipapalabas at sa nakita naming schedule, tila three days itong ipapalabas at baka madagdagan ang screenings kapag nag-demand ang mga moviegoers.
留言