ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 3, 2024
Naglabas ng saloobin ang isa sa mga pillars ng GMA News na si Arnold Clavio (Igan), hinggil sa sexual harassment na nagaganap sa showbiz.
Ito ay sa gitna ng mainit na usap-usapan ngayon tungkol sa diumano’y panghahalay sa Sparkle artist at panganay na anak ni Niño Muhlach na si Sandro Muhlach ng dalawang Kapuso ‘independent contractors.’
Sa kanyang mahabang Instagram (IG) post ay ine-encourage ni Igan ang iba pang biktima ng sexual harassment na magsalita.
“Sa Industriya ng Showbiz sa Pilipinas, marami na ang nababalitaan ng ‘sexual harassment’ lalo na sa mga nagnanais maging artista.
“Ang pagpayag sa pabor o gusto ng isang may kapangyarihan para sa isang baguhan ang pinakamadaling paraan na makamit ang kanyang pangarap. Kalimitan dito ay seksuwal na pang-aabuso, sa babae man o sa lalaki.
“Tali ang kamay ng mga biktima na tumanggi, sa paniniwalang ‘di sila magtatagumpay sa piniling career. Kaya karamihan, masakit man sa kalooban ay maituturing na willing victim o sumasang-ayon na lang.
“Pero may isa pang problema sa tila pagtanggap sa maling kalakarang ito. Pinipili ng ilan na manahimik dahil ayaw na mapahiya sa kanilang pamilya o sa publiko,” pahayag ng batikang GMA-7 broadcaster.
Kaya naman nanawagan si Igan na magkaisa at bigyang-suporta ang mga artistang naging biktima ng pananamantala.
“Ipakita dapat ng buong industriya ang suporta kung saan ipinapahayag ng mga biktima ang kanilang mga karanasan sa seksuwal na pang-aabuso.
“Ang suportang ito ang magbibigay ng kapangyarihan sa mga nakaranas ng seksuwal na pag-atake, sa pamamagitan ng pakikiramay at pagkakaisa para makita na ito ay isang malalang problema at hindi paisa-isang kaso lamang,” aniya.
“Kung ang lahat ng biktima ay nagkakaisa, tiyak na kikilos ang buong industriya para ito ay wakasan.
“Para sa mga naging biktima, ‘di ka nag-iisa at ‘di ka dapat mahiya.
“Para sa mga nakakaranas ng ganitong mapait na sitwasyon, may karapatan kang tumanggi o takot sa ‘yong magiging kinabukasan,” payo ni Igan.
Bilang pagwawakas ay pinayuhan ni Igan ang mga biktima na huwag matakot na lumantad at magsalita.
“At tayong lahat ay may responsibilidad para ito ay matigil na. Lumantad, lumabas, mag-ingay ang sinuman sa ‘tin na nakasaksi o may nalalaman na naganap na seksuwal na pang-aabuso o panggigipit.
“Sapat ang batas at kailangan lang ay pagkakaisa ng lahat, ‘di lang sa industriya ng showbiz kundi sa lahat ng lugar ng ‘yong trabaho.
“Isang malakas na sigaw ng “AYOKO!” ang iparating natin sa mga hinayupak na mapagsamantala sa kahinaan ng iba,” ang payo ng Kapuso TV and radio newscaster na si Arnold Clavio.
Pasabog ang mga plot twist sa Kapamilya teleserye na Pamilya Sagrado matapos itong magtala ng record-breaking online views sa dalawang magkasunod na gabi. Kasabay nito ang matinding rebelasyon sa serye na si Moises (Kyle Echarri) ang anak ni Rafael (Piolo Pascual).
Kapana-panabik ang episode noong Hulyo 31 na nakapagtala ng all-time high na 619,889 peak concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube (YT). Ito ang unang beses na lumagpas ito sa 600,000 views, para sa mga sabay-sabay na nanonood.
Kapit na kapit ang mga manonood sa kuwento dahil nakatakdang magbago ang kapalaran ni Moises dahil kumpirmado nang siya ang anak ng bise-presidente na si Rafael. Ngunit hindi pa ito natuklasan ng mag-ama at gagawin ni Mercedes (Mylene Dizon), ang asawa ni Rafael, ang lahat upang hindi ito mabunyag sa taumbayan.
Inuulan din ng papuri ang tumitinding komprontasyon sa pagitan nina Moises at Justin (Grae Fernandez), na anak din ni Rafael. Ang dami pang dapat abangan sa pasabog na salpukan ng dalawang aktor dahil desidido na si Moises na kalabanin at ilantad ang mga krimen ni Justin at ng pamilya nito, para makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Roland.
Itataya pa rin ni Moises ang kanyang buhay kahit alam niyang patuloy na mamanipulahin ng mga Sagrado ang katotohanan para protektahan ang kanilang reputasyon.
Mapapanood ang Pamilya Sagrado gabi-gabi ng 8:45 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, at TFC.
Comments