top of page
Search
BULGAR

VP Sara, may dahilang maghinanakit kay PBBM, ‘naunggoy’ siya

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 20, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

‘NAUNGGOY’ SIYA NI PBBM, KAYA MAY DAHILAN SI VP SARA NA MAGALIT AT MAGHINANAKIT SA PRESIDENTE -- Sa kanyang press conference ay inilabas ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang kanyang galit at hinanakit kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


May dahilan naman si VP Sara na magalit at maghinanakit kay PBBM, kasi “naunggoy” siya ng Marcos dahil matapos siyang pumayag na makipag-unity at makipag-tandem dito noong 2022 election, eh makalipas lang ang halos isang taon ay hinahayaan lang ng Pangulo ang mga atake sa kanya (VP) ng mga kaalyado sa pulitika nito, tsk!


XXX


NGAYON NAPAGTANTO NI VP SARA NA TOTOO ANG SINABI NG AMANG SI EX-P-DUTERTE NA ‘WEAK LEADER’ SI PBBM -- Dahil daw sa iba’t ibang problemang kinakaharap ng bansa ay sinabi ni VP Sara na hindi raw marunong maging presidente ang nakaupo, na ang tinutukoy ay si PBBM.


Sa pahayag na ito ni VP Sara, ngayon lang niya napagtanto na tama ang sinabi ng kanyang amang si ex-P-Duterte noon, na “weak leader” si PBBM, boom!


XXX


MGA PASOK SA TOP 12 SENATORIAL SURVEYS, MAY HISTORY NG ‘CORRUPTION’ -- Ayon kay professor, former Finance Sec. Cielo Magno, na ang karamihan daw sa pumapasok sa top 12 senatorial survey ay may mga history ng ‘corruption’.


Totoo ang sinabing iyan ni Prof. Cielo, at ang nakakalungkot nga lang, kung ang resulta ng mga survey na ito ay siya ring magiging resulta ng May 2025 midterm election, pagpapakita iyan na napakarami talagang mga botante na ang gustong gawing mga senador ay ‘yung may mga history ng ‘corruption’, buset!


XXX


FAKE NEWS ANG SINABI NI GADON NA KONTI LANG ANG MGA DDS -- Fake news ang sinabi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Sec. Larry Gadon na konti lang daw ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) at kaya lang daw nanalo noong 2016 election si ex-P-Duterte ay dahil sa suporta ng mga Marcos loyalist, kaya’t hindi raw dapat katakutan si VP Sara kung tatakbo man daw ito sa pagka-presidente sa 2028 election.


Kaya natin nasabing fake news ang pahayag na ito ni Gadon ay dahil noong 2016 election ay nanalo si ex-P-Duterte na nakakuha ng higit 16 milyong boto, at talo naman noon si PBBM sa pagka-bise presidente na nakakuha lang higit 14 milyong boto, at sa nakaraang 2022 election ay mas marami ang nakuhang boto ni VP Sara (higit 31.5M votes), kumpara kay PBBM (higit 31.1M votes), period!

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page