top of page
Search
BULGAR

VP Sara, kusa o napilitang magparaya sa confi funds?

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 15, 2023


Marami nating kababayan ang natuwa sa nabalitaan kamakailan na isinasantabi na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang naunang hiling na P500 milyon at P150 milyon na confidential funds para sa Office of the Vice President at Department of Education sa ilalim ng planong National Expenditure Program para sa 2024.


Inanunsyo ang balitang ito ni Sen. Sonny Angara sa nakaraang budget deliberations ng Senado.


Matatandaang bago ito naganap, uminit nang husto ang usapin tungkol sa sikretong pondo na naging laging laman ng mga balita sa gitna ng patuloy na hirap na dinaranas ng taumbayan sa pagbuno sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.


Ngunit, naunahan si VP Sara ng Kamara de Representantes ukol sa kanyang kumpidensiyal na pondo. Tanong ko bilang isang bihasa sa pulitika, wala bang nakapagbulong sa Bise Presidente tungkol sa gagawin ng Mababang Kapulungan kung kaya’t hindi niya ito naunahan sa pag-aanunsyo? O alam niya ba ito ngunit hindi agad siya nakapagdesisyong isuko na ang paghiling sa nasabing kumpidensiyal na alokasyon?


Sa larangan ng pulitika, kadalasan ay hindi na itinutulak ang isang bagay na alam ng pulitiko na matatalo lamang siya sa ganoong tinutumbok. O kaya naman, kaagad na siyang mag-aanunsyo ng kanyang desisyon o pamomosisyon kung may impormasyon siyang nalaman na kailangan niyang unahan.


Naging kumpiyansa ba ang Bise Presidente na mairaraos niya ang bigat ng pagdadaanan niya o sadya bang hinayaan niya ang Kamara de Representantes sa ikinilos nito sa gitna ng pagdepensa ng institusyon sa reputasyon nito laban sa maaanghang na birada kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte?


Matapos ang anunsyo mula sa Bise Presidente, binanggit niya sa isang panayam na may pinagdaraanan ang kanilang pamilya na mga hamon. Ito ba ay tila pagdistansya niya sa kanyang ama matapos ang epekto ng mga binitiwan nitong pahayag laban sa Kamara?


Hindi lamang binabasa ng taumbayan bilang plain narrative ang mga pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari ngunit nararamdaman nila kung ano ang tunay na nagaganap at sino ang totoong nagmamalasakit sa kanila.


Sa lahat ng desisyon, dapat asintaduhin ang kapakanan ng mamamayan at protektahan ang kaban ng bayan!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 comment

1 則留言


joseoliveros1947
2023年11月15日

Kung kusa o nagparaya man si Bise Presidente Sara Duterte sa confidential funds ng Office of the Vice President at ng Deprtment of Education, ang higit na kailangang malaman ng mga mamamayang Pilipino, lalo na ang mga nagbabayadng tamang buwis, ay kung meron bang mga nakatagong allocation sa 2024 budget para sa mga paborinng proyekto ng mga Senador at Congessmen kung saan sila ang pipili, sila ang magpapatupad, at sila rin ang pipili ng kontratista? Mero bang Senador o Congressmen na maglalakas ng loob na busisin ang 2024 budget at i-bulgar kong meron nga?

按讚

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page