ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov. 25, 2024
KAPAG ‘DI PUMAYAG SI VP SARA NA PAHARAPIN SI ZULEIKA LOPEZ SA HOUSE HEARING BAKA MAGKAROON NG STANDOFF SA PAGITAN NG PUWERSA NG OVP AT HOUSE SERGEANT-AT-ARMS --Ngayong araw na ito, Nov. 25, 2024 ay may hearing na naman ang House Committee on Good Government and Public Accountability patungkol sa confidential funds ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, at tiyak na isasalang na naman dito si Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ng Office of the Vice President (OVP) na kinontempt at kasalukuyang nasa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.
Bantay-sarado ni VP Sara ang kanyang taong si Atty. Lopez, kaya’t ang tanong: Payagan kaya ito ni VP Sara na makuha ng House Sergeant-at-Arms para padaluhin sa House hearing?
Kung hindi papayag, malamang magkaroon ng standoff sa VMMC sa pagitan ng puwersa ni VP Sara at ng House Sergeant-at-Arms, abangan!
XXX
MASAKIT PARA KAY VP SARA NA ANG ‘KAIBIGAN’ NA SI SP CHIZ ANG TURING SA KANYA NGAYON MAY ‘SALTIK’ -- Sa tindi ng galit ni VP Sara nang tangkain ng House Sergeant-at-Arms na mula sa House detention cell ay ililipat ng kulungan sa Correctional Institution of Women ang tao niyang si Atty. Zuleika Lopez, ay nagawa ng bise presidente na murahin at tila pagbantaan ang buhay nina Pres. Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta at Speaker Martin Romualdez.
At dahil sa naging asal na ito ni VP Sara ay pinayuhan siya ni Senate Pres. Chiz Escudero nang ganito... “seek mental health care”, para raw magampanan nito nang maayos ang tungkulin bilang bise presidente ng bansa.
Masakit para kay VP Sara ang naging statement na ito ni SP Escudero kasi noong presidente pa ang ama niya ay kaibigan ang turing sa kanya ni Sen. Chiz, pero nang wala na sa poder si ex-P-Duterte, eh, ang tingin na sa kanya ng senador ay parang may ‘saltik’, tsk!
XXX
MAG-AMA NGA SINA EX-P-DUTERTE AT VP SARA -- Noong Jan. 29. 2024 sa prayer rally sa Davao City ay diretsahang sinabi ni ex-P-Duterte na “bangag” o adik daw sa cocaine si PBBM, at noong Feb. 28, 2024 ay itinanggi ng ex-president na sinabihan niyang durugista ang kasalukuyang presidente.
Nitong nakalipas na Nov. 23, 2024 ay tila pinagbantaan ni VP Sara ang buhay nina PBBM. FL Liza at Speaker Romualdez, pero kahapon (Nov. 24, 2024) ay pinabulaanan niya na may ginawa siyang pagbabanta sa tatlo (PBBM, FL Liza at Speaker Romualdez).
Hay naku, mag-ama nga talaga sina ex-P-Duterte at VP Sara, he-he-he!
XXX
PUNO’T DULO NG BANGAYANG DUTERTE AT MARCOS, WALANG IBA KUNDI CONFIDENTIAL FUNDS --Ang puno’t dulo lang naman talaga ng bangayan ng Duterte at Marcos ay confidential funds.
Simbilis kasi ng kidlat na inaprub ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Romualdez ang hirit na P10.9 billion confidential fund ni PBBM, tapos tinanggal ang confi fund ni VP Sara, at ang matindi, inimbestigahan pa ng mga kongresista ang paglustay daw ng bise presidente sa kanyang confi fund, at ‘yung confi fund ng presidente ay hindi iniimbestigahan ng mga cong. kung nagastos sa tama o hindi, boom!
تعليقات