ni Lolet Abania | April 22, 2022
Inianunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Biyernes na ang vice presidential at presidential townhall debates na nakaiskedyul ng Abril 23 at Abril 24, 2022, base sa pagkakasunod, ay kanilang ini-reschedule.
Sa isang press briefing, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang mga debates ay ini-reschedule dahil sa ilang mga pangyayari o “circumstances”.
“We will not be able to proceed with the debate for tomorrow and Sunday. Hindi po natin ito matutuloy pero hindi po siya cancelled. Reset lang po by next week, by April 30 and May 1,” ani Garcia.
Ayon kay Garcia, ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang magiging partner ng Comelec sa ini-reschedule na mga debate. Aniya, ang KBP ay nag-alok ng tulong para sa isasagawang mga debate nang “libre”.
Na-postpone ang mga debates matapos na mai-report nitong Huwebes na ang contractor ng Comelec, na Impact Hub Manila, ay hindi pa naibigay ang full payment sa Sofitel Garden Plaza, ang official venue ng event, kung saan nag-udyok sa Philippine Plaza Holdings, Inc. (PPHI), ang owner ng Sofitel, para magbanta ito na i-pull out ang kanilang agreement.
Batay sa mga reports, nag-demand na ang PPHI ng payment matapos na ang mga tseke na inisyu ng Impact Hub ay tumalbog.
Sinabi ni Garcia na nabatid lamang ng poll body ang tungkol dito nang ang mga representatives mula sa Sofitel ay personal na nagpunta sa Comelec para ipaalam sa kanila ang tungkol sa mga bouncing checks na galing sa kanilang event partner.
“Nalaman namin ‘yung problemang ‘yan noong mga nakaraang araw lamang. Personal na pumunta rito ‘yung representatives ng Sofitel upang sabihin na may mga tseke nga raw na nag-bounce sa kanila ng aming partner,” paliwanag ni Garcia.
Sinabi pa ng opisyal na humingi na ang mga Sofitel representatives ng assistance mula sa Comelec para makolekta nila ang bayad mula sa kanilang partner.
Ayon naman kay Commissioner Aimee Ferolino, sa pareho ring briefing, ang Comelec ay hindi isang tinatawag na party to the contract sa pagitan ng Impact Hub at PPHI. Binanggit din ni Ferolino na ang venue para sa susunod na mga debates ay mababago na.
Humingi naman ng paumanhin si Comelec Commissioner Rey Bulay sa mga kandidato dahil sa pagpapaliban ng mga townhall debates.
“Humihingi kami ng paumanhin sa mga kandidato. Sa maikli na ngang panahon na allowed mangampanya, hindi pa namin nasabi kaagad na hindi matutuloy ang 'yung debates, tomorrow and Sunday,” saad ni Bulay.
“Naintindihan namin na na-set n'yo na ‘yan sa inyong kalendaryo sa pangangampanya at humihingi po kami ng paumanhin,” dagdag ni Bulay.
Para sa agreement sa KBP, ayon kay Garcia, ang Comelec na ang mag-iimbita sa mga kandidato upang dumalo sa rescheduled debates, kung saan ito ang huling pagsabak ng mga ito bago ang May 9 elections.
“Sa kasalukuyan, ongoing ang aming pakikipag-ugnayan sa ating mga kandidato sa pamamagitan ng kanilang representante,” sabi ni Garcia.
Comments