top of page
Search
BULGAR

Voting venue at ‘earlier date to vote’ para sa mga PWDs at senior citizens, i-ready!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 3, 2020



Kulang-kulang dalawang taon na lang — alam na nating lahat ‘yan — botohan na. Ang tuwing ika-anim na taong halalang Pambansa kung saan kabilang sa iluluklok ang bagong pangulo at bagong pangalawang pangulo.


Hindi naitatanong ng marami, tayo ay doon bumuboto sa ating bayan sa Baler, lalawigan ng Aurora. Walang mintis ‘yan. Kailangang umuwi para magamit natin ang isa sa pinakamahalaga nating karapatan — ang bumoto.


At isa sa ating maipagmamalaki, sa tuwing tayo ay boboto, kasama natin sa napakahabang pilahan ang mga mahal nating kababayan doon. Tulad nila, tinitiis din natin ang init, ang alikabok, pagod, ngawit at gutom. Bilang lingkod-bayan, mas masarap sa pakiramdam na hindi tayo pabida sa pilahan. Lahat tayo, sa araw ng halalan, ordinaryong tao lang — pantay-pantay ang karapatan — liban sa ilan nating kababayan na kailangang bigyan ng respeto at prayoridad: ang minamahal nating mga senior citizens at PWD. Kung tayong mga normal, kaya nating tiisin ang hirap at pagod, sila ay ibahin din natin. Hindi kasinglakas ng ating katawan sina Lolo at Lola at hindi nakagagalaw nang tulad natin ang mga PWD.


Dahil dito, isinusulong natin ngayon ang mas maagang pagboto para sa halos 10 milyong senior citizens at persons with disabilities (PWDs). Ito ay para matiyak na hindi maisasantabi ang kanilang karapatang bumoto at para na rin masigurong ligtas sila sa panganib na dala ng COVID-19. Hindi natin sigurado kung hanggang kailan ang pananalasa ng karamdamang ito kaya’t ngayon pa lamang ay isa na ito sa dapat nating paghandaan sa araw ng halalan.


Nakalulungkot na marami sa kanilang hanay ang madalas ay hindi na nakaboboto. Ang dahilan, isinusuko nila ang kanilang karapatan dahil hindi nila kaya ang hirap na nararanasan sa pagpila at paghihintay sa pilahan sa mga presinto. Isipin na lang natin ‘yung may makasasabay tayong lola o lolo na hirap na hirap na umaakyat sa hagdan dahil nasa ikalawa o ikatlong palapag ang kanilang presinto. Ganundin sa mga PWDs — paano na lang ‘yung mga wheelchair-bound?


Ang suhestiyon natin o panukala natin para rito, dapat may espesyal na araw para sa kanilang pagboto. Hindi biro ang makipagsiksikan sa poll precincts lalo’t may pandemya pa. Liban sa nakapapagod, posible pang malagay sa alanganin ang kanilang kalusugan.


Isa pang benepisyo ng early voting para sa ating seniors at PWDs, mas magiging mabilis din ang galaw ng pila para sa mga ordinaryong botante tulad natin.


Siguro, panahon na rin para pag-aralan ng Commission on Elections o Comelec na maglaan ng natatanging lugar o venue para sa ating mga botanteng seniors at PWDs. Maaari itong gawin sa mga gym o covered courts na may kaukulang seguridad. Hindi ‘yung ihahalo sila sa ordinary voters na kayang-kaya silang itulak o unahan dahil alam nga nilang mahina.


Liban sa earlier date, sariling venue, dapat extended din ang oras nila sa pagboto. Marami sa kanila, hindi na malinaw ang paningin o kaya’y hindi na maayos na nakapagsusulat.


Lahat ng suhestiyon nating ‘yan, ihahatag natin sa Comelec, sandaling dinggin na natin sa Mataas na Kapulungan ang kanilang 2021 budget. Tayo ang chairman ng senate committee on finance, kaya’t tiyak makakadaupang palad natin ang Comelec.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page