ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 10, 2024
Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang panahon ng voter’s registration mula Pebrero 12 hanggang Setyembre 30, 2024.
Nilalayon ni Comelec Chairman George Garcia na makakuha ng karagdagang tatlong milyong bagong rehistrado. Sa kasalukuyan, 68 milyon ang rehistradong botante.
“Kinakailangan po na maunawaan ng mga kababayan natin kung paano magpaparehistro at kung anong mga requirements sa registration,” ani Garcia.
“Ito lang po isang babala, meron po kaming ilalabas na mga amendments, guidelines sa pagpaparehistro. Bawal na po ang company ID… Dapat po government-issued ID lang,” dagdag niya.
Ayon kay Garcia, mahirap i-verify ang mga company ID.
Ipapatupad din ng Comelec ang 'Register Anywhere Project.
“Ibig sabihin kayo po ay residente halimbawa ng Bicol, nagkataon na nasa Maynila, pupuwede po kayong magparehistro dito sa Maynila. Kami na ang bahalang magbato sa inyong registration sa kung saan talaga kayo bumuboto,” paliwanag ni Garcia.
“Ipapatupad na po namin sa lahat ng highly urbanized cities at municipalities or cities na capital ng isang probinsya,” dagdag niya.
Comments