ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 16, 2020
Nagsara na ang hatawan ng bola sa King of the Courts Competitions sa Utrecht, Netherland kung saan hinirang na kampeon ang mga tambalan mula sa Switzerland at Brazil ngunit umagaw ng eksena ang patuloy na pananalasa ng COVID- 19 sa larangan ng sports katulad ng beach volleyball.
Dahil sa bubble na inilatag ng mga tagapangasiwa na kinabibilangan din ng mga test protocols, napag-alamang dalawa sa mga kalahok ay positibo sa nakamamatay na coronavirus at kinailangan silang tanggalin sa kompetisyon.
Sinabi ng International Volleyball Federation o FIVB na mayroong COVID-19 sina Quentin Metral ng Switzerland at si David Schweiner na mula naman sa Czech Republic ilang linggo bago nagsimula ang event. Nakarekober ang dalawa kaya sila nakalahok sa torneo. Bilang bahagi ng mga pag-iingat, isinailalim uli sila sa PCR testing nang nasa loob na sila ng beach volleyball bubble. Positibo ang naging resulta ng test kaya nagsagawa na ng self-isolation at contact tracing.
Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Metral na, "Those two days in Utrechrt showed me that our sport has an enormous potential and that the media interest will continue to grow if the FIVB and @kingof thecourtbeach organize such event in the future. Unfortunately, it also showed me that Covid still has the upper hand this season. It will take sometime until International sport is back to normal."
Ang event ay isang beach volleyball variant kung saan nagpapalitan ng mga kakampi ang lahat ng kalahok. Itinuturing na kampeon ang mga manlalaro na may pinakamataas na bilang ng tagumpay.
Comentarios