ni Lolet Abania | June 29, 2021
Inianunsiyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na muling naglabas kahapon ang Taal Volcano ng mas maraming sulfur dioxide o SO2 habang nananatili ito sa Alert Level 2.
“Sulfur dioxide (SO2) emission averaged 14,326 tonnes/day on 28 June 2021,” pahayag ng PHIVOLCS.
Mas mataas ito kumpara sa SO2 emission noong Hunyo 27 na nasa average na 4,771 tonnes/day.
Sa ulat ng PHIVOLCS kahapon, nag-umpisang magkaroon ng volcanic smog o vog na makikita sa bunganga ng Taal Volcano.
Ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng pagputok ng mga bulkan at binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng sulfur dioxide na acidic.
Maaari itong magdulot ng iritasyon sa mga mata, lalamunan, at respiratory tract na maaaring maging malubha, depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkakalanghap dito.
Paliwanag ng ahensiya, dahil ito sa patuloy na paglalabas ng volcanic sulfur dioxide (SO2) mula sa main crater.
Ayon kay PHIVOLCS-Taal Volcano Observatory resident volcanologist Paolo Reniva, nananatili pa ring may volcanic smog sa isla ng Taal Volcano.
“Sa ngayon, may nao-observe pa rin tayong vog pero limited sa Volcano Island,” ani Reniva sa isang interview ngayong araw.
Sa report ng PHIVOLCS ngayong Martes ng umaga, nagkaroon na ng 10 volcanic earthquakes at mabababang antas ng mga pagyanig sa loob ng 24 oras sa paligid ng bulkan.
Naglabas din ito ng steam-rich plumes na tumaas ng halos 2,500 talampakan sa ibabaw ng main crater.
Nakitaan din ng deflation o pagguho ng lupa sa Taal Volcano Island.
“Based on ground deformation parameters from electronic tilt, continuous GPS and InSAR monitoring, Taal Volcano Island (TVI) has begun deflating in April 2021 while the Taal region continues to undergo very slow extension since 2020,” sabi ng PHIVOLCS.
“These parameters indicate overall that magmatic unrest continues to occur at shallow depths beneath the edifice,” dagdag pa ng ahensiya.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 2 (Increased Unrest) ang paligid ng bulkan.
Paalala ng PHIVOLCS sa publiko, “sudden steam- or gas-driven explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, and lethal accumulations or expulsions of volcanic gas can occur and threaten areas within and around TVI.”
Ayon pa sa PHIVOLCS, mahigpit pa ring ipinagbabawal na magtungo sa TVI, gayundin ang pamamangka sa Taal Lake. Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasan ang mapadpad malapit sa Taal Volcano.
Comments