ni Ryan Sison @Boses | Mar. 19, 2025

Mahalaga ang malayang pagpapahayag sa isang demokratikong bansa pero may limitasyon ito, lalo na kung ang impormasyon ay hindi totoo o walang basehan.
Binabantayan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 20 vloggers na pinaghihinalaang nagpapakalat ng fake news sa internet. Dalawa sa kanila ay mayroon nang arrest warrant, habang ang isa ay nasa Amerika, kung saan pinag-aaralan na ang posibleng kaso na isasampa laban sa kanya.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, maaaring maharap sa cyber libel at inciting to sedition ang mga nasasangkot dahil lumagpas na umano ang kanilang ginagawa sa saklaw ng “Freedom of Expression.”
Paliwanag ni Santiago na may hangganan ang kalayaan natin sa pagsasabi ng nais na ipabatid. Kapag ang mga pahayag ay nagdudulot na ng kaguluhan o paninira sa kahit kaninuman, ito ay maituturing nang paglabag sa batas. Gaya na lamang ng fake news sa panahon ngayon, na lalong lumalakas ang disinformation, at talamak sa social media.
Isa sa mga iniimbestigahan ng kagawaran ay ang US-based content creator na kilala bilang ‘Maharlika’, na pinaniniwalaang lumabag sa Anti-Cybercrime Law at maaaring makasuhan ng inciting to sedition.
Aniya pa, nakikipagtulungan na ang NBI sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) upang mapigilan ang lumalawak na problema sa disinformation.
Tulad ng inyong lingkod, may responsibilidad tayo na magbigay ng tamang pagpapahayag at batid natin na ang social media ay mahalagang kasangkapan para sa pagpapalabas ng mga nararapat at makabuluhang impormasyon lamang.
Ang masaklap lang kung minsan, may ilan sa atin ay nagagawang magpakalat ng mga maling impormasyon habang ang iba ay nagpapabayad pa.
Lahat naman tayo ay may karapatang magsalita at ilahad ang ating mga opinyon, subalit may pananagutan din tayo sa bawat impormasyon na ating ibinabahagi.
Hindi kasi sapat na basta na lamang tayo magpapahayag — dapat ay may basehan sa katotohanan at kailangang isaalang-alang ang magiging epekto nito sa ating lipunan.
Ang fake news ay hindi simple lamang kundi seryosong problema na sa ganang akin ay maaaring magdulot ng takot, pagkalito at hindi pagkakaunawaan ng mga mamamayan.
Kung nais talaga nating mapanatili ang isang maayos at mapayapang komunidad, dapat tayong maging responsable, tapat at totoo sa lahat ng ating ipapahayag maging verbal man ito o sa social media.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments