ni Gerard Peter - @Sports | April 22, 2021
Winalis ng MJAS Zenith-Talisay City Aquastars ang unang round ng elimination matches nito sa Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup Visayas leg nang lunurin ang Tabogon Voyagers sa iskor na 85-65, habang pinatibay ng KCS Computer Specialist Mandaue City ang posisyon sa ikalawang puwesto nang talunin ang ARQ Builders Lapu Lapu City Heroes, 77-66, Martes, sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Kinumpleto ng Aquastars ang makasaysayang sweep namg pangunahan ng mga dating Adamson standouts na sina Patrick Jan Cabahug at Egie-Boy Mojica ang opensiba ng koponan na kumubra ng tig-13 puntos at 4 rebounds, habang nasayang ang double-double performance ni dating Far Eastern University big man Arvie Bringas na may 16 points at 10 boards, kasama pa ang 2 assists at steals, gayundin si Gayford Rodriguez sa 18pts at 5 boards.
Bahagyang nakadikit ang Voyagers sa pagtatapos ng first half, 34-39 matapos ang magandang opensiba sa second quarter, ngunit pinatunayan ng Aquastars na sila ang paboritong koponan na magwagi ng Visayas leg dahil sa pagkakaroon ng solido at buong koponan na nagmula pa sa ibang liga na pinangunahan ng mga dating PBA-players at ABL stars na si Paolo, Hubalde, Cabahug, Val Acuna, Dave Moralde at Lester Alvarez para ituhog ang 28-10 run sa pagtatapos ng ikatlong quarter para sa 67-44.
Hindi na nagpaawat pa sina Cabahug, Mojica at power forward Jaymar Gimpayan para unti-untiing tapusin ang pag-asa ng Voyagers para selyuhan ang malinis na kartada tungo sa susunod na round katapat muli ang wala pang panalong Tubigon Bohol Mariners bandang alas-4:00 ng hapon, ngayong araw, na kanilang inilampaso sa opening game ng unang araw ng kompetisyon sa bisa ng 104-66. Maglalaban naman para sa solo third place ang Voyagers at Lapu-Lapu Heroes sa main game bandang alas-7:00 ng gabi.
Team Standings W L
MJAS-Talisay 5 0
KCS-Mandaue 3 1
ARQ-Lapu Lapu 2 2
Tabogon 2 3
Dumaguete 1 3
Tubigon 0 4
Comments