ni Gerard Peter - @Sports | July 08, 2021
Wala sa plano ng Jumbo Plastic-Basilan Peace Riders na magpatumpik-tumpik sa mga makakatapat nito kaya’t agad-agad itong nagpakita ng dominasyon matapos ilampaso ang ALZA Alayon Zamboanga Del Sur sa iskor na 82-48, kahapon sa pagbubukas ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao division sa Ipil Provincial Gym sa Ipil Heights, Zamboanga Sibugay.
Kasunod ng natanggap na go-signal mula nitong Martes mula sa local government unit at Games and Amusement Board (GAB), nagdesisyon si Chief Operating Officer Rocky Chan na tuluyan ng simulan ang Mindanao leg matapos makumpleto ang mga kinakailangang health screening, drug testing at iba pang mga importanteng dokumento mabigyan ng clearance ang mga ito.
“We are just happy that Ipil, Zamboanga Sibugay accepted us without hesitation as we tip-off our Mindanao leg,” wika ni Chan. “We would like to thank the city mayor and governor for hosting our games and the Games and Amusements Board, headed by Chairman Baham Mitra, for giving us the necessary licenses to resume our league.”
Simula pa lamang ng laro ay ipinadama na ng Peace Riders ang kanilang bagsik sa pagtatapos ng unang kalahati ng laro sa 40-14 sa pagtutulungan nina dating San Miguel Beermen forward at Jose Rizal University standout Michael Mabulac, Hessed Gabo, Chris Bitoon at Michael Juico. Mas lalo pang ibinaon ng Peace Riders ang Alayon Zamboanga del Sur sa third canto ng isalpak ang 30-point lead sa 61-31.
Pinangunahan ni Mabulac ang opensiba ng dating koponan na Basilan Steel sa 16 points, 11 rebounds at 3 assists, habang sinegundahan naman ito nina Gabo sa 14pts, 2rebs, 2asst, Bitoon sa 12pts, 2 rebs at 4 asst at Juico sa 11pts at 6 rebs. Tumayong nag-iisang kumana ng double digit si Dan Sara para sa Zamboanga del Sur sa 17pts at tig-isang 1reb at assist.
Maglalaban naman ngayong araw, Huwebes ang koponan ng Roxas Vanguards at Pagadian Explorers sa unang laro sa ganap na ala-1:00 ng hapon, habang susundan ng main event game na Clarin Sto.Nino at Misamis Oriental Brew Authoritea sa alas-3:00 ng hapon.
Comments