ni Gerard Peter - @Sports | July 10, 2021
Nagpakita ng impresibong debut ang koponan ng JPS Zamboanga City mula sa mga beteranong manlalaro upang ihatid sa unang pagkatalo ang Kapatagan Buffalo Braves, 89-53, kahapon sa Mindanao leg ng Chooks-to-Go VisMin Pilipinas Super Cup sa Provincial Gymnasium sa Ipil Heights, Zamboanga Sibugay.
Kumamada ng 13 points si hometown kid at dating UE Red Warriors guard Gino Jumao-as para pangunahan ang opensiba ng Zamboanga City, habang rumehistro ang dating PBA veterans na sina Rudy Lingganay ng 12 pts, Mark Cardona 11 pts at Jerwin Gaco sa 10 pts.
Pinatunayan ng grupo ni coach Tony Prado na sila ang isa sa paboritong koponan na maaaring magdala sa Mindanao leg sa National Championships kontra Visayas champion na KCS Mandaue City Computer Specialist.
Maagang tinambakan ng Zamboanga City ang Kapatagan Braves, na kagagaling lang sa panalo kontra Iligan City Archangels, 64-56, sa pagtatapos ng unang quarter mula sa tulong nina Jumao-as, Ronnie Matias, Gaco, Espinas at Jaypee Belencion.
Sinubukang ibaba ng Kapatagan ang kalamangan sa 6 na puntos sa 1:42 ng laro sa 2nd quarter, kasunod ng mga puntos nina Renz Palma at Tey-tey Teodoro. “I told my players at halftime that the game is four quarters, 40 minutes. Naging complacent sila eh, now you have to show and come back like what you did in the first quarter,” wika ni JPS head coach Tony Pardo.
Pagpasok sa 3rd quarter ay muling bumuhos ang atake ng Zamboanga City at nilimitahan ang Kapatagan sa 10 puntos upang muling iangat sa 64-39 sa pagtatapos ng 3rd quarter mula sa 11-1 run.
Comments