ni Gerard Arce @Sports | March 27, 2024

Matagumpay na napagwagian ng national athlete na si Jerald Villarde ang korona ng men’s 69kgs division sa 5th World Muaythai Championship, habang limang gintong medalya ang kinubra ng Philippine squad sa katatapos lang na kompetisyon nitong Marso 11-16 sa Pattaya, Thailand.
Pinangunahan ng Criminology student ang grupo ng magkakaibang kinatawan sa bansa matapos magsama-sama upang dumalo at sumabak sa naturang kompetisyon na kinabibilangan ng Khru Isko Wangag ng Team Baguio, Team Kalinga ni Khru Daniel Gumilao, Team Pasig ni Khru Yai Ceasar Turingan at MTBSA Philippines na pinamumunuan ni Grandmaster Jaime Ines.
Napagtagumpayan ng Arellano University Criminology student ang unang laban kontra kay Raul Mario Al Magro Sanchez ng Spain, habang sunod nitong tinalo si Manuel Roldou ng Espana, patungo sa championship fight laban kay Maxim Ignatenko ng Russia.
Nanalo ng titulo sa women’s 45kgs division si Yheny Joyce Putao, habang ginto rin ang kinubra nina Jaybee Hernandez sa men’s 62kgs, Dave Gayong men’s 52kgs, Nanette Sumbang sa women’s 42kgs, Audhrie May Bacod sa women’s 52kgs at Krisha Facsoy.
“We are representative ng MTBSA (Muaythai, Muay Boran Boran Sports Association) na nakabase sa Thailand. We were lucky to gain 2 Championship Belts by Gerald Villarde and Yhennie Putao and 5 Gold Medals,” pahayag ni coach Turingan kasama rin sa naturang kompetisyon sina GM Ignes, John Derick Ignes (Coordinator), Daniel Gumilao(Trainer), Francisco Wangag Jr. (Trainer), Christine Anne Turingan (Physical Therapist) at Cebastian Jeremy Balo (Team Nurse).
Puntiryang ipagpatuloy ng MTBSA ang kanilang magandang simula ngayong taon sa pagsabak sa Philippine Invitational Challenge sa darating na Setyembre, kung saan nakatakdang kaharapin ni Villarde si Malaysian Champion Kai Chee, habang papalo rin ang grupo nito sa Asian Tournament sa India sa Disyembre.
Comments