ni Janiz Navida @Showbiz Special | Sep. 28, 2024
Viral ngayon ang video ng dating TV host-dancer na si Sugar Mercado na 'beast mode' at nagwawala at may kaaway na babaeng umiiyak.
Si Sugar din naman ang nag-video ng sarili sa Instagram Boomerang. Makikita siya na nasa loob ng bahay at waring nasa labas naman ng kanyang bahay ang kaaway niyang babae na todo-pakiusap sa kanya.
Medyo magulo ang isyung pinag-aawayan nila pero kung 'di kami nagkakamali sa pagkakaintindi namin, tila pinagseselosan ni Sugar ang babae at inaakusahang may relasyon kay "Kuya Willie", na wala mang apelyido, ayon naman sa natanungan naming source ay si Willie Revillame raw ang tinutukoy.
Pinangalanan din ni Sugar sa series of posts niya ang naturang girl (hindi na namin papangalanan dito, check n'yo na lang sa video) na pinagseselosan niya kay "Kuya Willie", at nang ipagtanung-tanong namin, nalaman naming isang staff pala ito sa AllTV kung saan galing si Willie Revillame.
Hindi pa malinaw sa amin ang puno't dulo ng away ni Sugar at ng naturang girl na involved nga si "Kuya Willie," pero kung tama rin ang pagkakatanda namin, noon pa ay naibalita na naming nagkaroon ng relasyon sina Sugar at Kuya Willie na pareho namang ayaw nilang aminin.
Ay, naku, 'wag naman sanang umabot pa sa Senate hearing 'yan, Sugar, 'no?! Char!
Kahit bawal, gustong kumita para sa pamilya…
CARLO, NAG-DRIVE NG ELF TRUCK NA NON-PRO ANG LISENSIYA
Muntik na palang iwan ni Carlo Aquino ang showbiz at lumipad pa-Amerika para ru'n na lang magtrabaho.
Inamin ito ni Carlo sa Star Magic Spotlight mediacon na ginanap last Thursday kung saan nag-promote siya ng bago niyang international film na Crosspoint kasama ang mga co-stars na sina Kei Kurosawa at Zeppi Borromeo.
Kuwento ni Carlo, naka-relate siya sa role niya sa Crosspoint na isang washed-up actor na nagpunta ng Japan para maging entertainer.
Dumating din daw kasi si Carlo sa point ng career niya kung saan puro indie films ang ginagawa niya noon at dahil kailangan niyang mag-provide para sa pamilya, naisip nga niyang iwan na ang showbiz at mag-Amerika na lang.
Pero 'di 'yun natuloy and instead, nagtayo na lang daw siya ng tarpaulin printing business. Bumili siya ng printer at ang kanyang pinsan ang gumagawa ng mga signages at kasama raw siyang nag-i-install.
"Nagtatayo kami ng scaffolding, 15 feet, 20 feet, kaming 3 ang nag-i-install, umaakyat kami sa mga gilid ng building, saka ako 'yung nagda-drive ng elf," panimulang kuwento ni Carlo na napasubo pang umamin na nagda-drive ng elf truck kahit "non-pro" lang ang license niya.
Kaya biglang paalala ng magaling na aktor, "'Wag n'yong gagawin 'yun, 'di dapat ginagawa 'yun ng isang mamamayang Pilipino. Pero dahil kailangan kong humassle para sa pamilya ko, ginagawa ko. So, nagmamaneho ako ng elf, dadalhin ko sa Cavite, sa Pampanga, sa Angeles."
Naging lesson 'to kay Carlo kaya naman ganu'n na lang niya kamahal ang kanyang craft at kahit ano'ng role raw, as long as challenging ay tatanggapin niya.
Pero may hindi lang daw siya kayang gawin, "Magpa-sexy. Hindi naman tayo sexy, so ibigay na lang natin du'n sa iba."
Tama! Isa si Carlo sa magagaling na aktor natin kaya hindi niya kailangang magdispley ng katawan para lang panoorin.
At sa bago niyang movie na Crosspoint na kinunan pa sa Japan, natuwa si Carlo na may pagka-action ito dahil kakaiba na naman ang naging challenge sa kanya ng kanyang role.
Directed by Donie Ordiales, kasama rin sa cast sina Takehiro Hira, Sho Ikushima, Sarah Jane Abad, Dindo Arroyo, Ian de Leon, Polo Ravales at ilan pang Japanese actors at mapapanood na in cinemas nationwide simula sa October 16.
SPEAKING of Senate, nag-viral din kamakailan ang sagutan-sigawan nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Migz Zubiri.
Akala ng iba ay may boksing na mangyayari sa Senado sa pagitan ng dalawa dahil sa taas ng emosyon ng dalawang senador. Mabuti na lang at napigilan si Sen. Alan ng kapatid niyang si Sen. Pia Cayetano at naawat na rin ang away ng dalawa.
Pero sabi nga ng mga supporters ni Sen. Alan Peter, tao lang ito na minsan ay pumuputok din kapag may mga sitwasyong nakakapagpagalit dito.Mabuti na lang sa kanilang CIA with BA show kasama sina Sen. Pia at Tito Boy Abunda, kalmado lagi si Sen. Alan at good vibes lang kaya nakakapagbigay pa ng magagandang payo sa kanilang mga guests.
Tulad last Sunday (Sept. 22) kung saan may inang dumulog para sa kanyang anak na nasa ospital matapos masagasaan ng bus habang sakay ng e-bike.
Humingi ng payo at tulong ang ina dahil aniya, after ng insidente, nagkaroon sila ng kasunduan ng bus company na sasagutin lahat ang gastusin sa ospital ng anak.
Pero umabot na raw sa P500,000 ang hospital bill, P5 K pa lang ang naibibigay ng bus company.
Binanggit ni Sen. Pia ang kapabayaan din ng biktima dahil hindi pinapayagan ang e-bike sa kalsadang pinangyarihan ng aksidente.
Habang ang payo naman ni Sen. Alan, sa pangkalahatan, ang may kasalanan sa isang aksidente ang dapat managot sa mga gastusin. Binigyang-diin niya na dapat ipursige ng nanay ang kanyang mga karapatan at ang kasunduan sa pagitan nila ng bus company ay dapat igalang.
At bukod sa payo, nangako rin ang CIA with BA hosts na tutulong sa mag-ina hindi lang sa gastusin sa ospital kundi pati sa maliit na negosyong naapektuhan sa insidente.
Ang CIA with BA ay umeere tuwing Linggo, alas 11:00 ng gabi sa GMA-7, na may mga replays sa GTV sa sumunod na Sabado, alas-10:30 ng gabi.
Kaya sa mga may tanong sa usaping-legal, tutok lang sa show at marami kayong malalaman.
Comments