top of page
Search
BULGAR

VICE, BUHAY NA BUHAY PA, GUSTONG MAY EULOGY NA

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | March 12, 2024



Inihataid na nitong Linggo nang hapon, Marso 10, ang cremated remains ng namayapang actress na si Jaclyn Jose sa The Garden of the Divine Word Columbary sa E. Rodriguez Sr. Avenue, Quezon City.


Sa ginanap na inurnment, dumating ang bunsong anak na si Gwen Guck na nag-aaral sa Amerika at hindi na niya inabutan ang mga madamdaming eulogy para sa ina.


Ang nasabing eulogy ay dinaluhan ng maraming sikat na celebrities tulad nina Alden Richards, Gladys Reyes, Vice Ganda at iba pa.


Sariwa pa sa alaala ng ilang nandu'n ang eulogy dahil ipinakita ang magagandang alaala nu'ng makasama nila sa ilang projects ang actress.


Gaya ni Vice Ganda, tumatak ang pagiging magkaibigan nila ni Jaclyn nu’ng magkasama sila sa isang pelikula. 


Dahil dito, napag-uusapan na raw nina Vice at Anne Curtis na parang type magpa-eulogy ng una habang buhay pa sila, para naririnig nila ang mga sasabihin sa kanila ng kanilang mga kaibigan habang buhay pa sila.


Sa segment nilang EXpecially For You ng It’s Showtime nitong Biyernes, March 8, sabi ni Vice, “Sinasabi ko nga kay Anne, eh. Parang gusto kong magpa-eulogy. Sabi niya, ‘Bakit ang morbid mo?'” 


Sagot ni Vice, “Hindi, kasi 'pag eulogy, 'yung namamatay, 'yung malalapit sa iyo na tao, pamilya mo, best friend mo, ang dami nilang sinasabing magaganda tungkol sa iyo."


'Pag namatay na nga raw naman, kahit ano pang sabihing maganda tungkol sa 'yo ng ibang tao, hindi mo na maririnig.


Dagdag  ni Vice, “Mag-inuman tayo, tapos saka natin sabihin 'yung mga gusto nating sabihin sa isa’t isa, 'yung masasarap sa pakiramdam.


“Bakit mag-aantay tayo ng eulogy? Kasi 'pag ginagawa natin 'yun, there are so much love left unspoken, 'di ba? Ang daming pagmamahal na hindi nasasabi. Tapos, sasabihin na lang 'pag kailan patay na?


“Bakit hindi natin sabihin 'pag birthday, 'di ba? Pangkaraniwang okasyon. Kasi nga hindi natin hawak ang bukas.


“So, dahil hindi natin alam kung masasabi pa natin ito bukas, sabihin na natin ngayon,” saad ni Vice na inaayunan naman ng mga co-hosts niya.


“Ako kasi, parang… gusto (ko), hangga’t buhay ako, ma-enjoy ko 'yung puwede kong ma-enjoy. Kasi 'pag wala na tayo, hindi na natin mae-enjoy 'yan,” pag-amin ni Vice.


Maging ang taga-media, pinasaringan ng Unkabogable Star, “Ang dami nating sinasabing hindi magaganda sa isa’t isa. Bakit hindi natin i-try na magsalita ng magaganda, 'di ba?


“Diyos ko! 'Yung parang sa mga news, 'yung mga reporters, 'pag buhay ka, kung anu-anong sinasabi sa iyo, 'di ba, ng mga reporter?


“Pero 'pag namatay ka, ano 'yan, the legend in Philippine showbiz, an icon, one of the best.


Sus! Pero nu'ng nabubuhay, kung anu-anong tsismis ang isinulat mo, 'di ba?


“Let’s talk about love, speak about love, speak of love, speak for love, speak with love, speak to love, at kung anumang preposition 'yan, basta may love, 'di ba?” katwiran ni Vice.

 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page