top of page
Search
BULGAR

Vegetarian diet, kontra sakit sa puso at diabetes

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 1, 2023



Dear Doc Erwin,

Ako ay isang empleyado sa isang pribadong kumpanya at 45-anyos. Limang taon na ang nakararaan ay inatake ako sa puso at naospital. Sa awa ng Dios ay naka-recover ako. Sa kasalukuyan ay umiinom ako ng gamot upang maiwasan na muling atakihin sa puso. Umiinom din po ako ng gamot sa aking diabetes at gamot sa mataas na cholesterol level.


Nabasa ko sa inyong column na Sabi ni Doc na mabuti sa ating kalusugan ang pagkain ng gulay at maaaring makatulong ito sa mga may sakit sa puso. Nais ko po sanang malaman kung may mga pag-aaral na tungkol sa vegetarian diet at epekto nito sa mga may sakit sa puso at diabetes.


Sana ay inyong matugunan ang aking katanungan at matulungan akong magdesisyon kung nararapat sa ‘kin ang vegetarian diet. Maraming salamat Doc. – Jose

Maraming salamat Jose sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.

Ang vegetarian diet o ang pagkain ng diet na nakasentro sa gulay ay itinuturing ng mga dalubhasa na kailangan ng mga indibidwal na high risk sa o may sakit na sa puso at diabetes. Sa 2021 dietary guideline ng American Heart Association ay binigyan ng importansya ang pagkain ng gulay, isda, seafood at low-fat dairy products. Ang iba’t ibang diabetes associations ay nagrekomenda na rin ng well-balanced vegetarian diets upang maiwasan ang diabetes at para na rin sa mga may sakit na diabetes.


Kamakailan lamang ay naglabas ng resulta ng pag-aaral ang mga scientist mula sa Australia.


Pinamagatang “Vegetarian Dietary Patterns and Cardiometablolic Risk in People With or At High Risk of Cardiovascular Disease”, ito ay inilathala bilang original investigation sa larangan ng Cardiology sa Journal of American Medical Association (JAMA) Network Open nito lamang July 25, 2023. Pinangunahan ang research na ito ng mga scientist mula sa Charles Parkins Centre, Faculty of Medicine and Health School of Life and Environmental Sciences ng University of Sydney at ng Royal Prince Alfred Hospital sa Sydney, Australia.


Dito sa meta-analysis ng 20 randomized clinical trials ng 1,878 participants ay pinag-aralan ng mga scientist kung may epekto ang vegetarian diet sa mga may risk factor sa cardiovascular diseases (o sakit sa puso) katulad ng LDL cholesterol, hemoglobin A1c, systolic blood pressure at body weight.


Sa pag-aaral na ito ay nakita ng mga scientist na ang pagkain ng iba’t ibang klase ng vegetarian diet ay may significant effect na magpababa ng LDL cholesterol, HbA1c at body weight sa mga high risk na magkasakit sa puso at ng diabetes. May “synergistic effect” din ang vegetarian diet sa mga indibidwal na umiinom ng gamot sa puso at sa diabetes. Maaari ring makaiwas sa sakit sa puso at sa diabetes kung kakain ng vegetarian diet.


Sa katulad n’yo na high risk na magkaroon muli ng atake sa puso dahil sa inyong diabetes at sa history ng pagkakaroon ng dating atake sa puso ay makakabuti ang paglipat sa vegetarian diet upang makaiwas sa muling atake sa puso at makatulong sa pagbaba ng blood sugar level at ganoon din ang pag-iwas sa komplikasyon ng diabetes.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page