ni Lolet Abania | September 19, 2021

Inaasahan ng Philippine General Hospital (PGH) sa Manila na makukumpleto na ang kanilang clinical trials hinggil sa paggamit ng virgin coconut oil (VCO) bilang gamot laban sa COVID-19 sa katapusan ng Setyembre, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).
Sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Peña, napapanahon ang naturang development dahil ang bansa ay patuloy na nakararanas ng mga hamon sa pagkuha ng suplay ng tocilizumab, isang medisina ito na ginagamit off-label para gamutin ang mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon pa sa kalihim, inaasahan na ring makukumpleto ng DOST ang COVID-19 clinical trials sa iba pang medicinal plants kabilang na ang lagundi at tawa-tawa.
“I think end of September, tapos na itong VCO sa PGH at lagundi trials at tawa-tawa,” ani Dela Peña sa isang interview ngayong Linggo.
“Let’s wait for around two weeks at makakarinig na tayo ng updates,” sabi pa niya.
Sa hiwalay na clinical trial ng DOST sa VCO na isinagawa naman sa Sta. Rosa, Laguna, lumabas na ilan sa mga COVID-19 patients na nakatanggap ng naturang herbal medicine ay mas mabilis na nakarekober kumpara doon sa mga hindi nabigyan ng medisina.
“Iyong VCO, lahat sila gumaling na on the 18th day. ’Yung hindi nabigyan, gumaling din pero on the 23rd day,” sabi ni Dela Peña.
Paliwanag pa ng kalihim na sa PGH, ang mga moderate at severe COVID-19 patients ang participants o kalahok sa ginawang clinical trials ng VCO.
Maliban sa PGH, nagsasagawa na rin ang Valenzuela at Muntinlupa ng clinical trials ng VCO bilang potential treatment para sa mga COVID-19 patients.
Comments