ni Fely Ng - @Bulgarific | April 11, 2022
Hello, Bulgarians! Kamakailan sinuportahan ng pinakamalalaking grupo ng mga negosyante ang panukalang palitan ang mga vaccination card ng booster card simula Hunyo.
Sinang-ayunan nila ito dahil kailangang manatiling malusog ang ekonomiya at makaiwas sa mga bagong variant ng SARS-Cov2 virus. Laman ng panukala ang pagtatakda ng expiry date sa vaccination cards at pagpalit nito ng booster card.
Naunang inihain ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, kabilang sa mga grupong hayagang sumuporta sa panukala ay ang Philippine Franchise Association, Philippine Retailers Association, Philippine Marketing Association, Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Makati Business Club, Financial Executives Institute, American Chamber of Commerce, European Chamber of Commerce, Indian Chamber of Commerce, at ang Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, pati na rin ang mga grupong kumakatawan sa mga salon/spa, amusement park, at mga concert venues at organizers.
Samantala, ang mga airlines at restaurants ay magsusulong ng mga insentibo para magpa-booster na ang mga tao.
Pinag-aaralan din ng ilan pang mga grupo ang kanilang pagsuporta.
Ayon sa panukala, binibigyan ang mga tao ng 60 araw matapos maglabas ng resolusyon ang IATF.
Papayagan din nito ang lahat, anuman ang priority group, upang makuha ang kanilang mga booster shot.
Ang panukala ay naunang sinuportahan ni Dr. Ted Herbosa, tagapayo ng National Task Force. Ayon kay Dr. Herbosa, ngayong may higit sa 65 milyong Pilipino na ang ganap nang nabakunahan, 11.8 milyon pa lamang ang nakatatanggap ng kanilang booster. Naunang naging isyu ang booster kasunod ng balita na 27 milyong bakuna ang mag-e-expire na sa Hulyo.
Sinabi ni Concepcion noong nakaraang linggo na nanganganib na magkaroon ng mataas na kaso ng COVID sa ikalawang bahagi ng 2022 kung hindi dadami ang mga nababakunahan at nabu-booster.
Nagbabala ang Go Negosyo founder ng patung-patong na problema sa ikalawang bahagi ng taon kung ang krisis sa Russia-Ukraine ay magtatagal pa at magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pag-antala sa pandaigdigang daloy ng mga produkto.
“Right now there is no danger. The danger is in the next semester when the waning immunity might be felt already. And this is not counting the possibility that new variants might emerge," aniya.
Ayon kay Concepcion, ang Pilipinas ay kasalukuyang isa sa iilang bansa sa Asya na mababa ang kaso ng COVID. Gayunpaman, may pag-aalala na sa pagbukas ng bansa sa dayuhang turista, maaari itong makadagdag sa pagtaas ng mga kaso. Tila nakakalimutan na din daw ng ilan ang physical distancing at tamang pagsusuot ng face mask.
Kamakailan ay lumagpas na sa P12 trilyon ang pambansang utang ng Pilipinas dahil sa paghiram para sa pagtugon sa pandemya. Ayon kay Concepcion, magsasayang ang bansa ng US$200 milyon kung hahayaan lang mag-expire ang mga bakuna. “That’s money we can’t afford to waste,” aniya.
Sa kabila nito, pinuri ni Concepcion ang pagsisikap ng gobyerno na mailapit ang pagbabakuna sa mga tao. Ang problema, aniya, ay ang mga taong pinagpapaliban o tinatanggihan ang pagpapabakuna.
"We already know what might happen if we don’t act, and we know what needs to be done. If we close down again in the second semester, we risk losing our gains in the last two years. This can be entirely preventable if we act now," sabi niya.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Opmerkingen