ni Mylene Alfonso | January 30, 2023
Aprubado na ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang pagpapatupad ng VAT refund program para sa mga dayuhang turista sa susunod na taon.
Ayon sa Presidential Communications Office, kabilang ito sa mga inirekomenda ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group upang mapalakas ang turismo sa Pilipinas.
Kaugnay nito, nakatakdang maglabas ng executive order ang Pangulo ng tax refund program na ginagawa rin sa ibang bansa. Inaasahang magiging epektibo ang nasabing panukala sa taong 2024.
Inaprubahan din ni Marcos ang pagpapalawig ng e-visa para sa mga Chinese, Indian, South Korean at Japanese at ang pagtanggal sa One Health Pass.
Nabatid na nakapagtala ang Pilipinas ng 2.65 milyong bisita mula Pebrero hanggang Disyembre 2022 (2.02 milyong dayuhang turista at 628,445 Filipino overseas).
Ang nabanggit na numero ay mas mataas kaysa sa 2021 tourist arrivals na 163,879 ngunit mas mababa pa rin kaysa sa pre-pandemic level na 8.26 milyon.
Ngayong taon, target ng Department of Tourism (DOT) ang 4.8 milyong bisita, na maaaring makakuha ng P2.58 trilyong kita.
Kommentare