ni Lolet Abania | September 5, 2020

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko tungkol sa pagbili at paggamit ng vapor product refill o tinatawag na e-cigarette juice matapos na makitaan ang isang brand nito na may sangkap ng liquid marijuana.
Ayon sa FDA, pinahaharang na ng ahensiya ang pagbebenta ng vapor product refill o vape juice na may brand name na Gluttony at may flavor na “Mamon” dahil nagpositibo ito sa sangkap na cannabinol na taglay din ng marijuana.
"The Food and Drug Administration warns the public from purchasing and using the vapor product refill 'GLUTONNY MAMON' which tested positive for the presence of cannabinol," pahayag ng FDA.
Ipinaliwanag pa ng FDA na nakitaan ang produkto ng liquid cannabis o kilala sa tawag na marijuana at maituturing ito bilang bawal na gamot sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Gayundin, may karampatang kaparusahan sa sinumang kumpanyang magbebenta o magdi-distribute ng ganitong uri ng produkto sa merkado, ayon sa FDA.
Bukod sa walang naibibigay upang mapabuti ang kalusugan sa paggamit ng vape, pinapayuhan ng ahensiya ang publiko na hindi dapat tangkilikin ang nasabing produkto dahil sa panganib na idudulot nito.
Samantala, humingi na ng tulong ang FDA sa mga law enforcement agency at local government unit upang tiyakin na hindi maibebenta ang Gluttony “Mamon” sa mga pamilihan.
Commenti