ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2023
Dear Chief Acosta,
May nakausap akong isang ahensya para maglaan sa aking gusali ng mga security guards. Hinanapan ko sila ng mga dokumento na makapagpapatunay na sila ay may lisensya upang magpatakbo ng kanilang negosyo. Sinabihan nila ako na hindi nila maipapakita sa ngayon ang nasabing lisensya ngunit ang gamit nilang lisensya ay ipinagkaloob sa kanila noong Marso ng taong 2017. Ang ahensya ba ay may valid pa na lisensya? Salamat sa inyo. - Robyn
Dear Robyn,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 6 at 7 ng Republic Act No. 11917, o mas kilala sa tawag na “The Private Security Services Industry Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 6. License to Operate. — A license to operate issued by the Chief PNP is required to operate and manage a PSA and PSTA: Provided, That an LTO for PSTA shall be granted only to a training school, institute, academy, or educational institution which offers courses prescribed and approved by the PNP or training programs accredited by TESDA.
Section 7. Period of Validity of LTO. — The LTO issued to PSA and PSTA shall be valid for a maximum period of five (5) years, subject to renewal: Provided, That the Chief PNP may set a shorter validity period for LTO with applicable fair and reasonable fees adjusted accordingly.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, nangangailangan na may lisensya upang makapagpatakbo ng isang ahensya ng mga security guards at ang nasabing lisensya ay ipinagkakaloob ng Chief ng Philippine National Police (PNP). Gayundin, ang nasabing lisensya ng pagpapatakbo ng ahensya ng mga security guards ay valid lamang sa loob ng limang taon, maliban na lamang kung ito ay ma-renew.
Sa nasabing mong sitwasyon, lagpas na sa limang taon ang gamit na lisensya ng umano ay ahensya ng mga security guards na kausap mo at kung hindi ito nakapag-renew ng lisensya sa loob ng itinakdang panahon, ang lisensya nito ay paso na. Hindi na ito valid.
Nais din naming ipaalam sa inyo na kung meron mang paglabag sa kahit na anong probisyon ng nasabing batas, maaaring patawan ng karampatang parusa na pagbabayad ng multa o pagkakakulong ang taong lumabag dito alinsunod sa Seksyon 16 ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments