ni Anthony Servinio @Sports | February 9, 2024
Humandang masaksihan ang pinakamabilis na karera sa kasaysayan ng Pilipinas sa parating na Manila International Marathon 2024 ngayong Pebrero 24 sa Quirino Grandstand. Isang pulutong ng banyagang mananakbo sa pangunguna ni Nasser Allali ng Pransiya ang determinadong magtala ng bagong marka para sa makasabog-bagang 42.195 kilometro.
Umoras ang Montreal 1976 at Moscow 1980 Olympic gold medalist Waldemar Cierpinski ng Silangang Alemanya ng 2:14:39 sa unang edisyon ng patakbo noong 1982 at hanggang ngayon ay nananatiling matatag ang marka.
Ang alamat na si Eduardo “Vertek” Buenavista ang may hawak ng pambansang marka na 2:18:44 na naabot niya noong 2004 sa Japan.
Sariwa pa si Allali sa pagtakbo sa malupit na Valencia Marathon noong nakaraang buwan sa Espanya. Kahit nagtapos siya ng ika-86, nagtala siya ng bagong personal na marka na 2:17:06.
Ang oras ng Pranses ay tiyak na mas matindi kung ihahambing sa mga pambatong Pinoy at mga Aprikanong naninirahan sa bansa na hindi makalapit sa marka ni Cierpinski. Handa nilang harapin ang hamon ng tinatayang mahigit 50 mga bisita na magmumula sa mga kapitbahay sa Timog Silangang Asya, Hong Kong, Macau, India, Amerika, Alemanya, Netherlands at Belgium.
Magiging malaking tulong ang halos patag na ruta na daraan ng kahabaan ng Roxas Boulevard at Gil Puyat hanggang Ayala Triangle. Maliban sa Full Marathon, magkakaroon din ng karera sa 21, 10 at limang kilometro.
Ayon kay race organizer at beteranong mananakbong si Dino Jose, panahon na upang magkaroon ng bagong marka para sa Marathon. Umaasa rin siya na ito ang magiging daan upang makaakit ng mas marami at mas malalakas na banyagang kalahok sa 2025.
Ginaganap ang pagpapalista online sa manilamarathon.com. Maaari ring magpalista sa ECYY Sports Hub sa 126 Pioneer Street, Mandaluyong City at KolourPro sa Scout Santiago kanto ng Scout Limbaga, Quezon City hanggang Pebrero 16.
Comments