top of page
Search

Valdez, Galanza, Carlos sa maaksiyong Int'l Challenge

BULGAR

ni GA - @Sports | June 11, 2022




Tiyak na masusubukan ang mga pambato ng national volleyball team sa pangunguna nina Creamline Cool Smashers Alyssa Valdez, Jema Galanza at Tots Carlos laban sa dalawang world class teams na Thailand at Japan sa inilunsad ng Philippine National Volleyball Federation na International Challenge ngayong Sabado at Linggo sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Kasunod ng exhibition match ang kauna-unahang hosting ng bansa ng FIVB Volleyball Nations League sa Hunyo 14-19 sa Smart Araneta Coliseum, na sana ay maging malaking tulong para sa national squad na makakuha ng ideya sa pagpapalakas at kaalaman sa pagsabak ng pinakamagagaling na 16 bansa sa iba’t ibang koponan sa mundo.

Maglalaban sa round robin format ang anim na magkakaibang siyudad sa buong mundo, kung saan host ang 'Pinas sa week 2 ng Pool 4 sa women’s competitions, bago ang pagkakaroon ng Pool 3 sa men’s tournament sa Hunyo 21-26, habang ang men’s national squad ay may exhibition match sa Japan sa Hunyo 26-27 sa San Juan Arena.

Sasabak sa women’s side ang 3-time VNL champion at Tokyo Olympics gold medalist USA laban sa matitinding manlalaro mula sa Belgium, Poland, Bulgaria, Canada, at Asian powerhouses na Japan, China, at Thailand, habang sa men’s side ay ang Tokyo Olympics gold medalist France laban sa top hitters mula Slovenia, Argentina, Italy, Germany, Japan, China at Netherlands.

Nakahanda ring pumalo sina Aby Marano, Iris Tolenada, Kyle Negrito, Majoy Baron, Kat Tolentino, Mylene Paat, Dell Palomata, Aduke Ogunsanya, Dawn Macandili at Kath Arado.

Makakalaban nila ang SEA Games powerhouse na Thailand na pamumunuan nina Pimpichaya Kokram at Ajcharaporn Kongyot, habang wala ang middle blocker na si Thatdao Nuekjang dahil sa injury. Ipaparada ng crowd-darling na Japanese team ang trio na sina Yuki Ishikawa, Yuji Nishida at Ran Takahashi.


Ang exhibition matches ng Pilipinas para sa PNVF International Challenge ay matutunghayan sa GigaPlay. Ihahatid ng Smart Communications, Inc. ang pinakaaabangang FIVB VNL sa GigaPlay App simula ng Hunyo 14.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page