top of page
Search
BULGAR

Vaccination sites, dinumog… “No vaccine, no ayuda”, fake news — MMDA

ni Lolet Abania | August 5, 2021



Mariing pinabulaanan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos at sinabing “fake news” ang impormasyong kumakalat na ang indibidwal na hindi pa nabakunahan kontra-COVID-19 ay hindi makatatanggap ng cash aid sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).


Sa isang ceremonial event ng COVID-19 task force, binalaan ni Abalos ang sinumang nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon matapos na maraming mga tao ang nag-panic at dumagsa sa mga vaccination sites sa Metro Manila ngayong Huwebes nang umaga. “Ang sinabi po ba naman na kung wala kang bakuna ay wala kang matatanggap na ayuda. Nag-panic ang mga tao. Nagpuntahan nang umaga sa mga vaccination center. Nagkagulo,” saad ni Abalos.


Ayon kay Abalos, natanggap niya ang mga report ng naturang insidente mula sa Manila, Masinag sa Antipolo City, at Las Piñas. Babala pa ni Abalos sa pasimuno ng fake news na nag-iimbestiga na ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa insidente at titiyakin nilang papatawan ng parusa ang sinumang mahuhuling nagsagawa nito.


Ngayong Huwebes nang umaga, naiulat na nagkaroon ng mahabang pila sa maraming COVID-19 vaccination sites sa Metro Manila, isang araw bago simulan ang 2-linggong ECQ period. Sa pagpapatupad ng ECQ, ang mga low-income residents ay makatatanggap ng P1,000 hanggang P4,000 cash aid mula sa national government.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page