top of page
Search
BULGAR

Vaccination rate sa mga mag-aaral, pataasin bago face-to-face classes

ni Ryan Sison - @Boses | October 13, 2021



Habang mahigit 30 degree programs ang pinapayagang magdaos ng limitadong face-to-face classes sa bansa, pinag-aaralan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang posibilidad na payagan na rin ang limitadong face-to-face classes sa lahat ng degree programs sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 at may mataas na vaccination rates.


Ito ay dahil ayon sa isang opisyal ng CHED, may ilang unibersidad na ang may high vaccination rates sa kanilang mga personnel at estudyante.


Inihalimbawa nito ang isang unibersidad sa Ilocos Norte kung saan nakapagbakuna na ng 91% ng kanilang faculty at 97% ng kanilang mga estudyante na dumadalo sa in-person class.


Base umano sa October 6 report, nasa 73% na ng higher education personnel mula sa 1,488 unibersidad at mga kolehiyo ang nabakunahan na. Habang ang mga higher education institutions (HEIs) na malayo sa Metro Manila ang karaniwan aniyang mayroong mababang vaccination rates.


Matatandaang sa kasalukuyan, kabilang sa mga nagdaraos ng face-to-face classes ang mga kursong may kinalaman sa medisina, allied health sciences, engineering and technology, hotel ang restaurant management, tourism and travel management at marine engineering and transportation.


Kung mapapayagan, magandang balita ito para sa mga mag-aaral. Ibig sabihin, dagdag-experience at mas matututo ang mga estudyante.


Hindi natin sinasabing hindi epektibo ang distance learning, pero aminin na natin, hindi lahat ng mag-aaral ay kayang makipagsabayan sa bagong sistema. At kahit mahigit isang taon na itong ginagawa, hindi maitatangging marami pa ring nangangapa.


Isa pa, sa totoo lang, kailangang may sapat na kaalaman at karanasan ang mga future professionals para hindi nangangapa ang mga ito pagdating sa trabaho.


Habang pinag-aaralan pa ng mga kinauukulan kung uubra ang isinusulong na face-to-face classes sa lahat ng kurso, kailangang matiyak na magiging handa tayo sa lahat.


Tulad ng nabanggit, kailangang may mataas ding vaccination rate sa mga lugar na papayagan ang in-person classes, kaya dapat lang na magpatuloy ang pagbabakuna at higit sa lahat, kailangang siguraduhin na magiging ligtas ito para sa mga guro at estudyante.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page