ni Lolet Abania | November 16, 2021
Nakatakdang magpulong ang isang technical working group (TWG) na binubuo ng mga health officials sa Metro Manila ngayong Martes ng hapon upang talakayin ang age restrictions para sa mga menor-de-edad na papasok sa mga malls, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa isang interview kay MMDA chairman Benhur Abalos ngayong Martes, sinabi nitong posibleng sa Miyerkules ay ipiprisinta ng TWG ang kanilang rekomendasyon sa mga mayors para sa kanilang pag-apruba hinggil dito.
“Kung matapos kami mamaya, baka bukas magpulong na ang mga mayor,” sabi ni Abalos.
“The earlier, the better for everyone,” dagdag pa niya.
Ayon kay Abalos, ginawa ang pulong matapos mai-report na isang 2-taong-gulang na batang lalaki ang nagpositibo sa test sa COVID-19 tatlong araw matapos na dalhin siya ng mga magulang sa mall.
Nauna nang nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang Talk to the People nitong Lunes ng gabi, sa mga local government units (LGU) na gumawa ng isang ordinansa hinggil sa pagre-restrict sa mga kabataan na nasa edad 11 at pababa na pumunta sa mga malls.
Gayundin, sinabi ng Pangulo na agad na aksiyunan ng mga LGUs ang pagpapatupad ng travel restrictions sa mga bata na hindi pa bakunado.
“On this note, I am calling all LGUs to consider passing ordinances for age restriction against minors who can be allowed in going to mall. We cannot allow those below 12 years old or those unvaccinated to be exposed to the risk of COVID-19 in public places,” sabi ni P-Duterte.
Umapela rin ang Punong Ehekutibo sa mga magulang na higpitan ang kanilang mga anak sa paglabas ng bahay dahil ang mga unvaccinated na mga bata ayon sa Pangulo, “no defense mechanism against the virus.”
“Alam ko kayong mga magulang, gustung-gusto ninyo ipasyal ang anak ninyo after staying at home due to lockdown pero kung isipin ninyo, kung maliliit pa ang anak ninyo at ‘di pa bakunado, do not expose them to the virus,” sabi pa ng Pangulo.
Ayon naman kay Abalos, susubukan ng mga Metro Manila mayors na makabuo ng isang uniform ordinance na lamang.
“’Yun ang usapan naming mga mayor dahil very porous ang mga border namin,” saad ni Abalos.
“’Yung magulang, ‘yung parental responsibility niya ipasok niya. Bilang mga magulang dapat manggaling na rin sa atin ,” apela pa ni Abalos.
ความคิดเห็น