ni Lolet Abania | November 8, 2021
Nagbabala ang Malacañang ngayong Lunes sa lahat ng mga mayors hinggil sa pagsuway ng mga nito sa ipinatutupad na mandatory face shield policy para sa mga crowded at enclosed spaces, kung saan nananatiling pinaiiral ang polisiya maliban na sabihin ito ng task force ng gobyerno.
Inisyu ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang paalala matapos na ang mga lungsod ng Davao, Manila, Iloilo, at iba pa ay ibinasura umano ang polisiyang itinakda sa labas ng isang hospital setting.
“Ang desisyon po ng IATF (Inter-Agency Task Force) ay desisyon din ng Presidente. So, ang desisyon po ngayon ay kailangan ipatupad muna ang mga face shields habang pinag-aaralan po,” ani Roque.
“Mayors are under the supervision of the President. Let us follow the chain of command,” sabi pa ni Roque.
Nauna rito, sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benjamin Abalos na nagkasundo na ang mga Metro Manila mayor na ang paggamit o pagsusuot ng face shield ay gawing optional.
Matatandaang ipinahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa nila ng isang linggo para pag-aralan kung ang face shield requirement ay dapat nang alisin sa gitna ng pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Comentários