ni Lolet Abania | June 14, 2022
Ipinahayag ng Malacañang ngayong Martes na ‘malinaw’ ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na ‘ipagpatuloy ang pagsusuot ng face masks’, matapos na bumuo ang lalawigan ng Cebu ng ibang polisiya kaugnay dito.
Noong nakaraang linggo, ginawa ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na ang paggamit ng anti-COVID masks ay optional na sa mga well-ventilated at open spaces. Ito ay sa kabila ng direktiba ng gobyerno na pagsusuot ng face masks sa lahat ng pampublikong lugar.
“The Chief Executive’s directive is clear: Continue wearing face masks,” giit ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa isang statement.
Ayon kay Andanar, suportado ng Malacañang ang legal na opinyon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na ang resolution ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa mandatong pagsusuot ng face masks aniya, “shall prevail over the executive orders by local government units, including the one issued by the provincial government of Cebu.”
Nitong Lunes, sinabi naman ni Guevarra, “the IATF resolution is incorporated in and/or enabled by executive orders issued by the President, who has supervision over local governments.”
Dagdag ni Guevarra, ang IATF ay binubuo ng mga Cabinet secretaries na silang tinatawag na alter egos ng Pangulo.
Ayon pa kay Andanar, inatasan na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na anito, “to implement the existing IATF resolution on wearing of face masks accordingly.”
Una nang tumangging kilalanin ng DILG ang face mask policy ng Cebu habang nagbabala ang ahensiya sa mga lalabag sa mga health protocols na posibleng sila ay hulihin.
Comments