ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 18, 2022
Dear Sister Isabel,
Ayaw ko na sanang malaman ng iba ang problema ko, pero mahirap pala itong kimkimin, lalo na’t hindi mo alam kung paano ito lulutasin, kaya naisip kong sumangguni sa inyo.
Nakuha ng kapatid ko ang aking virginity at biglaan ang mga pangyayari. Parang wala kami sa aming sarili nang mangyari ang lahat at walang nakakaalam sa bahay kundi kaming dalawa lang. Alam kong mali, kaya umiiwas na ako sa kanya, pero paminsan-minsan ay gusto niyang maulit ang nangyari sa amin. Pinipilit niya ako at dumating pa sa punto na nagbanta siya na may mangyayaring hindi maganda kapag hindi ako pumayag sa kanyang kagustuhan. Kaya huwag na huwag daw akong magsusumbong.
Sister, hirap na hirap na ang kalooban ko, kaya sana ay matulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Eliza ng Bohol
Sa iyo, Eliza,
Hindi mo sinabi kung ilang taon ka na, pero sa palagay ko ay kaya mo nang mag-isip kung ano ang tama at mali. Alam na alam mo na napakalaking kasalanan at maling-mali na hinayaan mong makuha ng kapatid mo ang iyong pagkababae at ngayon ay nalalagay ka sa mahirap na sitwasyon at hindi mo pa alam ang gagawin.
Ipinapayo ko na lakasan mo ang iyong loob. Ipagtapat mo ang nangyari sa tiyahin mo na makakatulong sa iyo upang tuluyan ka nang makaiwas sa kapatid mo. Huwag mo munang ipagtapat sa iyong ina o ama dahil baka sa pagkabigla ay masaktan pa nila ang kapatid mo.
Gayunman, ang tiyahin mo ang bahalang magsabi sa iyong ina. Kaya ihanda mo na ang iyong sarili at tanggapin kung ano ang dapat gawin. Huwag mo nang ipagpaliban pa, hingin mo na ang tulong ng tiyahin mo na alam mong may malawak na pang-unawa at handang tulungan ka sa problemang kinakaharap mo ngayon.
Lakip nito ang dalangin ko na gabayan ka ng Diyos sa mabigat na problemang kinakaharap mo sa kasalukuyan. Tumawag ka sa Diyos. Hingin mo ang Kanyang tulong at humingi ka rin ng tawad sa napakalaking kasalanan na nagawa n’yo ng iyong kapatid.
Sumaiyo nawa ang kapayapaan ng isipan at kalutasan ng iyong suliranin sa buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments