ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 28, 2022
May mga bagay na ikinakatakot ng mga magulang na mangyari sa kanilang mga anak. Kapag ito ay naganap, mayroon sa kanilang nababalot sa takot at panlulumo ang pagkatao.
Ganito ang nangyari kay G. Bayani Villanueva, Jr. ng Caloocan City nang malaman niyang nabakunahan ng Dengvaxia ang kanyang anak na si Ella Villanueva.
Ani G. Bayani, “Laking takot ko at labis ang aking pangamba nang nalaman ko ang tungkol dito. Una pa lang ay tutol na akong mabakunahan siya kontra dengue dahil hindi ako tiwala sa bakuna dahil bago pa lang ito. Sa katunayan, hindi ako sumang-ayon na mabakunahan si Ella ng dengue vaccine nang ipinaalam ng aking nasirang asawa na pababakunahan niya si Ella dahil nabakunahan na raw nu’n ang dalawang anak ng aming kapitbahay. Kaya talagang nanlumo ako nang nalaman kong nabakunahan si Ella ng Dengvaxia.”
Si Ella, 11, namatay noong Abril 13, 2019, ang ika-131 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Si Ella ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang health center noong Oktubre 25, 2017. Nalaman ito ni G. Bayani noong Marso 26, 2019 habang siya ay naka-confine na sa isang ospital sa Quezon City, matapos siyang sabihan ng kanyang ina (Gng. Herminia Villanueva) na may nakita siyang Dengvaxia card sa kanilang bahay na nakapangalan kay Ella.
Noong Marso 2019, narito ang mga naramdaman ni Ella:
Marso 2019, ikalawang linggo - Nasa bahay na lamang si Ella dahil masama diumano ang kanyang pakiramdam. May lagnat din siya at pinaiinom ng paracetamol, ngunit hindi bumaba ang kanyang lagnat. Dahil dito, dinala siya ng kanyang ama sa isang klinika. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at ayon sa resulta, may urinary tract infection (UTI) diumano siya. Siya ay niresetahan ng antibiotics, pero kahit ininom niya ang mga ito ay hindi pa rin bumuti ang kanyang kalagayan.
Pagkatapos ng isang linggo - Dahil hindi pa rin siya gumagaling, dinala siya muli sa klinika. Isinailalim siya sa x-ray at maganda naman ang resulta nito, subalit siya ay niresetahan pa rin ng antibiotics. Bumuti ang kanyang kalagayan, maliban sa pagkakaroon niya ng ubo at sipon, at pabalik-balik na lagnat. Sa pagdaan ng ilang araw, sumakit ang kanyang mga kasu-kasuan at ulo. Pabalik-balik din ang kanyang lagnat, ubo at sipon.
Marso 22 - Dinala siya sa isang private hospital sa Quezon City at isinailalim sa CBC test at ayon sa resulta, positibo siya sa dengue. Ito na ang pangalawang pagkakataon na na-dengue siya; una siyang nagka-dengue infection noong 4-anyos siya. Kinailangan siyang ilagay sa intensive care unit (ICU), subalit nang sabihan ang kanyang ama na kailangan ng malaking halaga para sa paggamit niya ng ICU, nagsabi si G. Bayani na hindi niya kakayaning magbayad ng ganu’n kalaking halaga. Dahil sa kakapusan sa pera, inilipat si Ella sa pampublikong ospital.
Marso 26 - Inilagay siya sa isolation room. Hindi nawala ang kanyang ubo, sipon, lagnat at pananakit ng mga kasu-kasuan. Hirap din siyang huminga at lumaki ang kanyang tiyan.
Noong Abril 2019 ang naging kritikal na panahon sa buhay ni Ella na humantong sa kanyang kamatayan:
Abril 1 - Inilipat siya sa ward section. Sinabihan ng doktor si G. bayani na may Systemic Lupus Erythematosus si Ella.
Abril 8 - Hirap siya huminga at tumaas ang kanyang blood pressure. Dahil dito, in-intubate siya.
Abril 9 - Isinailalim siya sa dialysis dahil hirap siyang umihi at may tama na diumano ang kanyang kidneys. May pneumonia na rin siya at para hindi niya magalaw ang kanyang intubation, binigyan siya ng pampatulog.
Abril 12 - Muli siyang nagising at madalas siyang magreklamo na naiinitan siya. Palagi niya ring hinahaplos ang kanyang tiyan. Nagkaroon din ng blisters ang kanyang kanang paa at ang kanyang mukha ay namanas.
Abril 13, alas-8:00 ng gabi - Mababa ang kanyang pulso at siya ay nag-agaw buhay. Siya ay ni-revive at naging matagumpay naman ito. Lumobo ang kanyang dibdib at muli siyang nag-agaw buhay makalipas ang ilang minuto. Pagsapit ng alas-8:50 ng gabi, tuluyan nang pumanaw si Ella.
Ayon kay Mang Bayani, “Napakasakit para aking pamilya ng pagpanaw ni Ella. Hindi ko akalain na babawian siya ng buhay sa murang edad. Ang aking anak ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro kasama ng kanyang mga kaibigan. Nakakapagtaka na matapos siyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla nang nagbago ang kanyang kalusugan. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aking anak.
“Nais kong mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.”
Ang takot at panlulumo ay kalagayang nalalagpasan at napapalitan ng tapang. Kailangan ang tapang na tanggapin ang anumang pagsubok na dumating. Ang pagtanggap sa pagsubok ay kaakibat ng tapang na ipaglaban ang karapatang maipagtanggol ang kaapihan. Bunsod na rin ng pagmamahal sa kanyang anak, napukaw kay G. Bayani ang katapangang ito. Hiningi niya ang tulong ng PAO at PAO Forensic Team.
Kasama niya kami ngayon na buong tapang na inilalaban sa legal na pamamaraan ang kaso ni Ella at mga kapwa niya biktima. Ang katapangan ay mahalagang hakbang sa pagtahak sa landas ng katarungan.
Comments