top of page
Search
BULGAR

UTI at impeksyon sa utak, dinanas ng 13-anyos na namatay dahil sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 9, 2022


Ang musika at sayaw ay kabilang sa malawak at makulay na mundo ng sining. Maraming kabataan ang nasa mundong ito. Ang kinahihiligan nilang pagkanta at pagsayaw ay akma naman sa kanilang kakayahan at talento. Isa sa mga talentadong kabataan na ito ang mahilig kumanta at sumayaw na si Justine Paule, anak nina G. Francis at Gng. Ligaya Paule ng Pampanga. Sa kasamaang-palad, maagang namaalam ni Justine sa mundo ng musika at sayaw, ganundin sa mundong ibabaw.


Si Justine, 13, ay namatay noong Hunyo 2, 2019. Siya ang ika-136 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ang sanhi ng kanyang pagpanaw na nakasaad sa kanyang Certificate of Death ay Septic Shock (Immediate Cause), Central Nervous System Infection (Antecedent Cause) at Urinary Tract Infection (Underlying Cause). Si Justine ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Pampanga. Una, noong Abril 4, 2016; pangalawa, noong Oktubre 18, 2016; at pangatlo, noong Hulyo 18, 2017. Matapos maturukan ni Justine, maayos naman ang kanyang kalusugan, maliban lamang sa pasulpot-sulpot na pagkakaroon niya ng lagnat na naaagapan naman sa tuwing pinapainom siya ng paracetamol.


Pagkalipas ng halos dalawang taon mula noong huli siyang maturukan ng Dengvaxia o noong Mayo 3, 2019, dumaing si Justine ng pananakit ng ulo, tiyan, likod at kasu-kasuan. Pinainom siya ng paracetamol at bahagyang naibsan ang kanyang masasamang nararamdaman, subalit bumalik agad ang mga ito pagkalipas ng ilang sandali. Nang panahon na ‘yun, napansin ng kanyang ina na si Gng. Ligaya na gustung-gusto niyang naliligo at binabasa ang kanyang mga paa. Sa mga sumunod na araw, hindi bumuti ang kalagayan ni Justine at siya ay naging malungkutin. Nagbago ang kanyang ugali at naging bugnutin.


Narito ang mga naging karamdaman ni Justine noong Mayo 2019 hanggang siya ay bawian ng buhay noong Hunyo 2, 2019:

  • Mayo 5 - Pinasuri siya sa isang ospital sa Pampanga dahil walang pagbabago sa kanyang mga nararamdaman. Base sa resulta, may UTI si Justine, kaya niresetahan siya ng antibiotics at in-admit sa nasabing ospital dahil siya ay naturukan ng Dengvaxia.

  • Mayo 16 - Nanginginig at giniginaw si Justine, gayundin, kung anu-ano ang kanyang mga sinasabi na hindi maintindihan. Siya ay nagwawala dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. Hindi bumuti si Justine, bagkus, lalong lumala ang kanyang masasamang nararamdaman.

  • Mayo 17 - Hindi na muling nagising si Justine. Ayon sa doktor, na-comatose na siya, kaya iminungkahi na ipa-CT scan siya. Dahil dito, inilipat si Justine ng ospital. Ayon sa doktor at base sa resulta ng kanyang CT scan, namamaga ang utak ni Justine dahil sa impeksyon. Siya ay in-intubate at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, inilipat siya sa ICU. Nang hapon ding ‘yun, inulit ang x-ray at CT scan sa kanya. Base sa resulta, pareho pa rin ang nakita ng doktor. Hindi na muling bumuti ang kondisyon ni Justine sa mga sumunod na araw.

  • Hunyo 2, alas-3:00 ng madaling-araw - Nag-agaw buhay si Justine. Sinubukan siyang i-revive ng doktor, subalit pagsapit ng alas-3:15 ng madaling-araw ay tuluyan siyang binawian ng buhay.


Anila G. at Gng. Paule sa kanilang salaysay, “Napakasakit para sa aming pamilya ng dagliang pagpanaw ni Justine. Hindi namin akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.


“Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit nang malubha at kinailangang maospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan siya ay labis na nagkasakit na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw. Nais naming banggitin na maayos ang kalusugan ni Justine at hindi pa siya nagkakaroon ng dengue bago siya maturukan ng Dengvaxia. Walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya maliban sa nasabing bakuna.”


Ang mga nabanggit sa taas ang naging dahilan para lumapit sina G. at Gng. Paule sa PAO at PAO Forensic Team. Sabi pa ng mag-asawang Paule, “Nais din naming liwanagin na hindi ipinaliwanag nang maigi sa amin kung ano ang bakunang itinurok sa aming anak. Sa katotohanan, wala kaming pahintulot nu’ng araw na binakunahan si Justine.”


Maliwanag na tulad ng napakaraming kaso sa tinaguriang Dengvaxia cases, nabalewala rin sa kaso ni Justine ang karapatang magdesisyon ng mga magulang para sa menor-de-edad nilang mga anak. Ang magulang ang higit na nakakaalam kung ang kanyang anak ay nararapat na mabigyan ng bakuna, lalo na kung ang pinag-uusapang bakuna ay bago pa lamang tulad ng Dengvaxia. Walang karapatan ang sinuman na magdesisyon para sa kanila, tulad ng nangyari sa mag-asawang Paule. Kaya naninindigan ang mag-asawang Paule na hindi nila palalagpasin ito. Sa pagtatamo ng katarungan para rito, kasama nila ang PAO at PAO Forensic Team.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page