ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 11, 2025
![Prangkahan ni Pablo Hernandez](https://static.wixstatic.com/media/a09711_f05be13bfab84408bf6c80a7b1779d00~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/a09711_f05be13bfab84408bf6c80a7b1779d00~mv2.jpg)
SAAN KAYA NAPUNTA ANG P1.44T INUTANG NG MARCOS ADMIN, WALA NAMANG MAKITA ANG MAMAMAYAN NA PROYEKTONG NAIPAGAWA? -- Ayon sa Bureau of Treasury (BOT), nitong nakalipas na year 2024 ay P1.44 trillion ang inutang ng Marcos administration sa iba’t ibang financial institution sa mundo kaya’t sa ngayon ay nasa P16.05 trillion na ang utang ng Pilipinas.
Wow, ang laki pala ng nautang ng Marcos admin, kaya’t ang tanong: Saan kaya napunta ang P1.44T kasi wala namang makita ang mamamayan na proyektong ipinagawa ng administrasyong Marcos? Boom!
XXX
BAKA HINDI IBOTO SI SEN. DELA ROSA NG PWDs, STROKE SURVIVORS -- Si Akbayan Partylist Rep. Perci Cendana ay isang stroke victim at ang naging dulot ng sakit na ito sa kanya ay pagkatabingi ng kaliwa niyang mukha, kaya’t para sa mga persons with disability (PWD) at mga stroke survivors ay masakit sa kanila ang pagbabanta ni Sen. Ronald dela Rosa na susuntukin niya ang kabilang mukha ng kongresista para raw pumantay ang mukha nito.
Humingi naman na ng paumanhin si Sen. Dela Rosa sa kanyang sinabi na kesyo kaya lang daw siya nakapagbitaw ng ganitong salita ay dahil nadala ang kanyang damdamin sa galit ng mga taga-Mindanao kay Cong. Cendana na isa sa nagsulong ng impeachment case laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Gayunman, kahit humingi na ng paumanhin ang senador ay hindi pa rin siya nakakasigurong iboboto siya ng mga PWDs at stroke survivors, pati pamilya ng mga ito kasi hindi naman talaga tama ang naging statement niya sa isang stroke victim at PWD na tulad ni Cong. Cendana, period!
XXX
UNFAIR KAY VP SARA, NAIS NI MANILA REP. JOEL CHUA NA MAG-INHIBIT SINA SENATORS BONG GO, RONALD DELA ROSA, ROBIN PADILLA AT IMEE MARCOS SA IMPEACHMENT CASE NG BISE PRESIDENTE -- Hindi katanggap-tanggap sa pamilya Duterte at sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang mungkahi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na mag-inhibit sina Senators Bong Go, Ronald Dela Rosa, Robin Padilla at Imee Marcos sa impeachment case ni VP Sara dahil magiging bias daw ang magiging boto ng mga ito bilang mga mahistrado ng Senado na tatayong impeachment court kasi nga raw ay nagpalabas na sila ng statement na ibabasura nila ang impeachment laban sa bise president.
Sa totoo lang, unfair talaga kay VP Sara ang sinabing ito ni Cong. Chua kasi parang ang nais niyang mangyari, ang mga kaalyado lang na senador ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang maging mga mahistrado sa Senado na tatayong impeachment court laban sa vice president, boom!
XXX
MAAARING PINAGSISIHAN NA NI VP SARA KUNG BAKIT NAPAPAYAG SIYANG MAG-VP KAY PBBM -- Iminungkahi ni former senior associate Justice Antonio Carpio na dapat daw ay sampahan na rin ng kasong plunder si VP Sara hangga’t hindi pa nasisimulan ang impeachment trial laban sa bise presidente.
Hindi man aminin ay maaaring pinagsisihan na ni VP Sara kung bakit pa siya napapayag na kumandidatong vice president ni PBBM noon, kasi kung itinuloy na lang niya ang pagkandidato sa pagka-mayor ng Davao City noong 2022 election, wala sana siyang kinakaharap na impeachment case at wala rin sanang nagbabanta na sampahan pa siya ng kasong plunder, period!
Comments