ni Mary Gutierrez Almirañez | March 28, 2021
![](https://static.wixstatic.com/media/2551ae_758bea22fbd34558891abf3ac1310424~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2551ae_758bea22fbd34558891abf3ac1310424~mv2.jpg)
Hindi pa rin nakakapagbayad ng utang ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital magmula nang mag-umpisa ang pandemya sa bansa, ayon sa Philippine Hospital Association (PHA) ngayong araw, Marso 28.
Giit pa ni PHA President Dr. Jaime Almora, "Wala na silang pera, kahit 'yung malalaking hospital. Kausap ko medical directors, nag-iisip humiram ng pera kasi mula noong magsimula ang COVID-19, marami sa kanila ang hindi pa nakakolekta ng bayad sa PhilHealth.”
Nilinaw din ni Senator Dick Gordon na hindi pa nare-reimburse ng PhilHealth hanggang ngayon ang ginastos ng Philippine Red Cross (PRC) sa saliva test ng COVID-19, kung saan kailangan muna umano 'yung mapaaprubahan sa Health Technology Assistance Council (HTAC) bago bayaran ng PhilHealth.
Aniya, "Kailangan ang HTAC para bayaran ng PhilHealth. ‘Yan ang batas. Puwede namin ibigay sa mga tao, pero hindi babayaran ng PhilHealth. Hindi ko maintindihan."
Nauna nang nagbabala si Gordon na maaaring matigil ang pagsasagawa ng COVID-19 saliva testing dahil sa malaking utang sa kanila ng PhilHealth na umabot sa P822 million.
Paliwanag pa niya, "Hindi naman ako naniningil basta-basta, kailangan lang talaga makapagpatuloy at ma-keep up natin ang ginagastos ng Red Cross sa mga medtechs at sa lahat. 'Yung gobyerno, kusang-loob nilang tulungan kami."
Comentarios