ni Anthony E. Servinio / MC - @Sports | May 05, 2021
Kinuha ng Utah Jazz ang unang hakbang upang mabawi ang liderato ng buong NBA matapos ang 110-99 pagsugpo sa San Antonio Spurs kahapon sa Vivint Arena. Pansamantalang lumamang ng kalahating laro ang Jazz (47-18) sa Phoenix Suns (46-18) habang nakapulot ng mahalagang tagumpay ang defending champion Los Angeles Lakers sa Denver Nuggets, 93-89, upang makasiguro sa playoffs.
Sa gitna ng pagliban ng mga All-Star Donovan Mitchell at Mike Conley Jr., inangat ng kanilang mga kakampi ang husay sa pangunguna nina Bojan Bogdanovic na may 25 puntos at Rudy Gobert na may 24 puntos at 15 rebound. Nag-ambag ng 16 puntos si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson.
Nagpabaya ang Lakers at sinayang ang kanilang 14 puntos na lamang sa 4th quarter, 83-69, subalit isinalba sila ng buslo ni Talen Horton-Tucker sa huling 15 segundo para sa huling talaan. Namuno sa Lakers si Anthony Davis na may 25 puntos at sinundan ni Alex Caruso na may 11 puntos habang lumiban si LeBron James bunga ng maga sa bukong-bukong.
Marami ang nakapansin na malaki na ang ibinagal at hinina nang laro ni James matapos itong mamahinga ng mahigit isang buwan dahil sa right ankle injury.
Ayon sa ulat, maaaring ito na ang hudyat na dapat nang magretiro sa pagba-basketball ang tumatandang basketball superstar matapos magtamo ng injury noong Marso 20 at hindi nakapaglaro ng 20 laro. Nitong Biyernes, kapansin-pansin na hindi na nararamdaman sa team ang kanyang talento bagkus sinasabing ito pa ang nagiging pabigat ngayon sa Lakers dahil imbes na maipanalo ang laban ay lalo pang silang nasadlak sa balag ng alanganin sa kanilang standing sa Western Conference. Sa kanyang pagbabalik, natalo ng dalawang sunod ang Lakers sa Sacramento Kings at Toronto Raptors
Inalagaan ng Philadelphia 76ers ang kapit nila sa liderato ng East matapos ibaon ang naghihingalong Chicago Bulls, 106-94. Nanguna sa 76ers (44-21) sina Tobias Harris na may 21 puntos at Seth Curry na may 20 puntos
Nagmukhang bayani sa komiks ang kuya ni Seth na si Stephen Curry at pumukol ng walong tres para sa 41 puntos sa loob ng 35 minuto at buhatin ang Golden State Warriors sa New Orleans Pelicans, 123-108.
Comentarios