top of page
Search
BULGAR

Utah Jazz, 2-1 na vs. Memphis; Bucks, swak na sa East Semis

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 31, 2021




Nagising ang numero unong Utah Jazz sa huling 5 minuto upang talunin ang makulit na Memphis Grizzlies, 121-111, sa Game Three ng kanilang seryeng best of seven sa NBA Playoffs kahapon sa FedExForum. Balot ng emosyon, kinailangan ang husay ng mga beteranong Jazz upang baliktarin ang 109-107 lamang ng batang Grizzlies at gawing 2-1 ang serye.


Nagtayo ng 15 puntos na lamang ang Utah sa first quarter, 34-19, subalit nagtiyaga ang Memphis at unang nakatikim ng lamang, 107-105, matapos ang dalawang free throw ni Ja Morant. Mula roon ay uminit para sa 10 puntos si All-Star Donovan Mitchell upang mamuno sa 15-2 paglayo ng Jazz.


Tinapos ni Mitchell ang laro na may 29 puntos habang may 27 si Mike Conley na naglaro sa Grizzlies mula 2007 hanggang 2019. Sumuporta na may tig-15 puntos sina Sixth Man Jordan Clarkson, Bojan Bogdanovic at Rudy Gobert na humakot din ng 14 rebound.


Samantala, nagdadalamhati ang Jazz sa pagpanaw ng alamat na si Mark Eaton sa edad na 64 dahil sa aksidente habang nagbibisikleta. Siguradong magkakaroon ng bagong kampeon sa East at pasok na ang Milwaukee Bucks sa East semifinals at nagtagumpay sa dating kampeon Miami Heat, 120-103, upang walisin ang kanilang seryeng best of seven , 4-0. Lamang ang Heat sa first half, 64-57, subalit mas mabagsik na Bucks ang dumating para sa second half na pinamunuan ni MVP Giannis Antetokounmpo na nagtala ng triple double na 20 puntos, 12 rebound at 15 assist at tinulungan nina Brook Lopez na may 25 puntos at Khris Middleton na may 20 puntos at 11 rebound.


Magandang bawi ito para sa Bucks na lumasap ng mapait na talo sa dehadong Heat noong 2020 East semis. 4-1, kahit sila ang may pinakamataas na kartada sa buong NBA noon na 56-17. Hihintayin na nila ang magwawagi sa serye ng Brooklyn Nets at Boston Celtics kung saan abante ang Nets, 2-1. Isang panalo na lang sa Martes ang kailangan ng Philadelphia 76ers kontra sa Washington Wizards matapos magwagi ng malaki, 132-103.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page