ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 24, 2022
Habang tayo ay patuloy na nag-iingat laban sa COVID-19 ay isabay din natin ang pag-iingat laban sa iba pang sakit.
Isa na rito ang dengue, na isang viral disease na dala ng infected na lamok na kabilang sa Aedes species.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ay pagkakaroon ng lagnat, pananakit ng ulo, panghihina ng katawan, kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, pagtatae, at skin rashes.
☻☻☻
Kamakailan lamang ay sinabi ng ating Department of Health (DOH) na tumaas ang bilang ng mga kaso ng dengue sa ilang probinsiya sa apat na rehiyon sa bansa.
Naitala ang mga kaso sa ilang lalawigan sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao Region.
Bagama't mababa ang mga kaso sa first quarter ng 2022 kumpara sa mga kaso noong 2021, kailangan pa rin nating mag-ingat.
Nagdeklara na ng outbreak ang Zamboanga City, na may naitalang 893 na kaso mula January 1 hanggang April 2. Sa kasamaang palad, 11 rito ang namatay.
☻☻☻
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), halos kalahati ng populasyon sa buong mundo ay nakatira sa mga lugar na may risk ng sakit na ito.
Kada taon, hanggang 400 milyong katao ang nai-infect ng dengue. Tinatayang 100 milyon ang nagkakasakit, habang 40,000 naman ang namamatay dahil sa severe dengue.
Noong 2021 ay nakapagtala ang DOH ng 79,872 kaso ng dengue sa bansa, at 285 na namatay dahil dito. Mababa ito kumpara sa pigura noong 2020 na may 91,108 na kaso at 363 na namatay.
☻☻☻
Ayon pa sa DOH, posibleng dahil sa madalas na pag-ulan na nararanasan sa ilang parte ng bansa kung kaya’t tumaas ang bilang ng mga kaso.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad na ugaliing sundin ang 4S laban sa dengue:
• Search and destroy mosquito-breeding sites,
• Secure Self-protection measures like wearing long pants and long-sleeved shirts and daily use of mosquito repellent,
• Seek early consultation, at
• Support fogging/spraying only in hotspot areas where increase in cases is registered for two consecutive weeks to prevent an impending outbreak.
Sa ating masusing pag-iingat ay maiiwasan natin ang pagdami pa ng mga kaso. Manatili po sana tayong malusog.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments