ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | January 11, 2023
Inanunsyo ng Department of Energy na inaasahang magkakaroon ng 12 yellow alert sa Luzon mula March hanggang November ngayong taon.
Dagdag ng DOE sa kanilang power outlook, inaasahan ang mga yellow warning sa linggo ng March 5 hanggang 11, March 19 hanggang 25, April 16 hanggang 22, lahat ng linggo ng May, June 1 hanggang 10, August 27 hanggang September 2, October 15 hanggang 21, at November 19 hanggang 25.
Ngunit hindi naman magkaka-red alert dahil nasa 1,074.318MW ang committed power generation capacity para sa Luzon grid ngayong taon.
Kasama ang 450MW mula sa coal power projects, 11.04MW mula oil-based power plants, 46MW mula geothermal projects, 7.4MW mula biomass, 31.36MW mula hydro, mahigit 418.51 MW na solar, at 110MW mula wind power projects.
Umaasa tayong mamadaliin pa ng DOE ang pagkumpleto ng mga nakaplano na proyekto para masiguro ang maayos na supply ng kuryente sa buong bansa.
☻☻☻
Nanonood na rin ba kayo ng Maria Clara at Ibarra?
Sikat na sikat ngayon ang fantasy drama series ng GMA Network na base sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, na humahakot ng milyong views sa iba’t ibang platform, tulad ng Facebook, YouTube at TikTok.
Bagama’t may mga pagbabago ang programa sa mga gawa ni Rizal dahil sa pagdagdag ng karakter na mula sa kasalukuyang panahon para maging mas relatable ito, kapuri-puri ang serye dahil sa pagpukaw ng interes ng mga kababayan natin, lalo na ang kabataan, sa ating kasaysayan at kultura.
Umaasa tayong dahil sa tagumpay ng MCAI ay madaragdagan pa ang mga programa at likhang tulad nito na nagmimina sa ating mga pamanang-lahi.
Sa mga lumikha ng MCAI, salamat at mabuhay kayo!
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin
Comments