ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 8, 2024
Tilatumigil ang pag-inog ng mundo para sa marami nating kababayan nang sandaling magkaproblema kamakalawa ang Facebook at Messenger noong na-log-out ang napakaraming mga accounts dito.
Pakiramdam ng marami ay naiwan silang mag-isa sa isang isla na walang kasama, walang magawa, at nasa ilalim ng karimlan na puno ng pagtatanong kung kailan sila makababalik sa kabihasnan.
Hindi na nga sanay ang milyun-milyong mga Pilipino na talaga namang maya’t maya ay nakatutok sa kanilang FB at nagpo-post ng mga pangyayari sa kanilang buhay o sentimyento kasabay ang pabalik-balik na pagsulyap sa mga nagla-like ng kanilang mga post. Ang iba naman ay nakiki-marites lang para may maikwento sa mga kapitbahay at kaibigan.
Noong araw na mas tahimik ang buhay ay uubra naman ang kawalan ng digital na teknolohiya at social sites gaya ng Facebook. Mas mapayapa at may panahon sa pisikal at mental na ehersisyo ang mga tao at tunay na pakikipagkapwa.
Hindi tulad ngayon, sa gitna ng paglaganap ng social media sites ay tumitindi rin ang pinagdaraanang mga hamon sa mental na kalusugan o mental health ng marami sa atin. Nag-aalala rin tayo na kulang na kulang ang matatakbuhan ng ating mga kababayang dumaraan sa mga ganitong pagsubok.
Sa gitna ng pagkaaliw ng marami sa social media sites, mayroong mga lalong nalulugmok naman sa mental na aspeto dahil rin sa mga nakikita rito. Marami sa ating mga kabataan ang naliligaw ng landas, napapariwara at mayroon din namang nakakabangon matapos matuto. Iyan din ang ginagamit ng mga manloloko at mga nananamantala.
Samantala, marami namang mga katandaan ang nagiging masaya dahil nahahanap nila sa Messenger ang kanilang mga kaklase noong kabataan nila at muli silang nagkikita-kita sa mga reunion na puno ng pananabik hanggang sa inaabot pa ng madaling-araw.
Sa kabilang banda, may mga nagkakaroon naman ng isyu sa mental health sa gitna ng pagkahumaling ng kanilang mga asawa sa walang humpay na pakikipag-usap sa Messenger sa mga natagpuang kaklase na parang mga batang patay-malisya.
Nagmumurang kamatis kung tumutok sa socmed at nakakalimutan ang maraming taong ibinuhos sa kanila ng mga kabiyak na dumaraan tuloy sa mga mental na pagsubok.
Marami pang ibang sitwasyon ang pinagdaraanan ng ating mga kababayan tulad nito na nagiging hamon sa kanilang mental health. Kaya’t ang panawagan natin ngayon sa mga mamamayan na isaalang-alang at huwag kalimutan ang ugaling marangal na ating kinagisnan, na iniisip ang kalaunang epekto sa ibang tao ng kanilang diumano’y walang malisya na asal pero mali sa mata ng madla, na maging kagalang-galang, at tapat.
Ituon din natin ang ating isipan sa mga positibong bagay na makatutulong sa ating mental na kalusugan. Mas mahalaga ang magkaroon tayo ng malinaw at malusog na kaisipan para maging maayos din ang pakikitungo natin sa kapwa maging ang ating pamumuhay.
Ang usapin ng mental health ay seryoso at mabigat, kaya huwag sana tayong maging sanhi ng pagkompromiso nito. Asintaduhin natin ang ating katapatan at pagiging disenteng mga mamamayan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments